P100 bilyon isiningit ng mga senador sa 2025 budget, ayon kay Lacson

0
308

MAYNILA — Umabot sa mahigit P100 bilyon ang mga individual insertions na isinama ng halos lahat ng senador ng 19th Congress sa panukalang 2025 General Appropriations Act (GAA), ayon kay Senate President Pro Tempore Panfilo “Ping” Lacson nitong Linggo.

Sa panayam sa DZMM, sinabi ni Lacson na lumalabas sa mga dokumentong kanyang nakuha na ang mga isiningit na pondo ay naka-tag bilang “For Later Release (FLR).” Ani niya, “Sa Senate pa lang, at least P100 bilyon. Nagulat nga ako, sa individual insertions ito, ‘yon ang bawat individual insertion. Ito naka-FLR ngayon.”

Dagdag pa niya, “Pagkalalaki. Never pa ako nakakita kasi noong araw ‘di pa declared unconstitutional ang PDAF, nandoon lang sa hundreds of millions. Eh ngayon nakita ko ang total, kabuuan at least P100 billion.”

Nilinaw ni Lacson na hindi pa niya nakikita ang buong listahan ng insertions ng mga miyembro ng House of Representatives ngunit aniya, “ang haba ng listahan din.” Dahil dito, posibleng hingin niya ang paliwanag ng mga kaukulang ahensya sa darating na budget deliberations kung bakit pinayagan ang ganitong uri ng pagsingit.

Bagama’t hindi awtomatikong ilegal ang insertions o amendments, iginiit ni Lacson na nagiging kuwestiyonable ito kung aabot sa P5 bilyon hanggang P9 bilyon para lamang sa iisang distrito o probinsya. Babala niya, maaaring magdulot ito ng banta sa ekonomiya dahil ang mga pondong nailihis o naantala ay sana’y nakalaan para sa mga proyektong pang-imprastraktura na pinag-aralan mula barangay hanggang rehiyonal na antas.

Muli ring nanawagan si Lacson sa kanyang mga kapwa mambabatas na pairalin ang pagpipigil sa sarili sa paggawa ng mga insertion para sa mga locally funded infrastructure projects. Hinikayat din niya na iwasan ang paggamit ng tinatawag na “leadership fund” sa Department of Public Works and Highways (DPWH) na nagbubukas ng pagkakataon sa mga legislator na magsingit ng proyekto sa antas ng National Expenditure Program (NEP).

Author profile

Si Venus L Peñaflor ay naging editor-in-chief ng Newsworld, isang lokal na pahayagan ng Laguna. Publisher din siya ng Daystar Gazette at Tutubi News Magazine. Siya ay isa ring pintor at doll face designer ng Ninay Dolls, ang unang Manikang Pilipino. Kasali siya sa DesignCrowd sa rank na #305 sa 640,000 graphic designers sa buong daigdig. Kasama din siya sa unang Local TV Broadcast sa Laguna na Beyond Manila. Aktibong kasapi siya ng San Pablo Jaycees Senate bilang isang JCI Senator.