Lindol sa Cebu, 69 patay, 175 sugatan; pinsala umabot sa P2 bilyon

0
2442

MAYNILA — Umakyat na sa 69 ang bilang ng mga nasawi habang mahigit 180 ang sugatan sa tumamang magnitude 6.9 na lindol sa Bogo City, Cebu nitong Martes ng gabi, ayon sa opisyal na ulat ng Office of Civil Defense (OCD).

Sa breakdown na inilabas ng OCD, 30 ang namatay sa Bogo City, 22 sa San Remigio, 10 sa Medellin, lima sa Tobogon, at tig-iisa sa Sogod at Tabuelan. Marami sa mga biktima ang nasawi matapos maipit o mabagsakan ng guho.

“We are receiving additional numbers of reported casualties. Kaya very fluid pa po,” ayon kay OCD Deputy Administrator Bernardino Rafael Alejandro IV, na nagbabala ring iwasan muna ng publiko ang pagbabalik sa kanilang mga bahay hangga’t hindi nadedeklarang ligtas.

Ayon sa Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs), tumama ang lindol alas-9:59 ng gabi sa Bogo City. Unang naitala ito sa magnitude 6.7 bago itinaas sa 6.9, may lalim na limang kilometro at tectonic ang pinagmulan. Umabot sa 848 ang naitalang aftershocks, kung saan apat ang naramdaman.


Sa ulat ng GMA Regional TV, siksikan ang mga pasyente sa Bogo Provincial Hospital na umabot na sa full capacity. Ayon kay Cebu Governor Pamela Baricuatro, kinakailangan nang ilipat ang mga bagong pasyente sa ibang ospital at nananawagan siya ng mga dagdag na doktor tulad ng surgeon at orthopedic specialist.

Tinatayang nasa 27,000 pamilya ang apektado sa Northern Cebu, ayon sa Department of Social Welfare and Development (DSWD), na nagsimulang magbigay ng family food packs at ready-to-eat meals. Higit 1,000 katao rin ang pansamantalang nasa evacuation centers.
Umabot sa P2 bilyon ang tinatayang halaga ng pinsala sa imprastruktura, kabilang ang mga lumang gusali at simbahan na nagtamo ng matinding sira. Suspendido ang klase at trabaho sa ilang lugar, at inilagay sa yellow alert ang Visayas power grid matapos mawalan ng suplay ng kuryente sa ilang planta.

Ayon sa Department of Veterans Affairs, patuloy ang serbisyo ng libing sa mga pambansang sementeryo ngunit hindi muna makakapagtayo ng mga lapida o makakapaglinis ng paligid.
Minobilisa ni Gov. Baricuatro ang provincial medical teams at nanawagan ng dagdag na volunteers para sa rescue at relief operations.

Tumungo na rin sa Cebu si Defense Secretary Gilberto Teodoro Jr., na siyang chairman ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC), upang personal na magsagawa ng assessment kasama ang iba pang opisyal.

Samantala, tiniyak ni Health Secretary Teodoro Herbosa na sasagutin ng Philippine Health Insurance Corp. (PhilHealth) ang gastusin sa pagpapagamot ng mga nasugatan dahil sa lindol.

Phivolcs Director Dr. Teresito Bacolcol naman ay nagpaalala sa publiko na iwasan ang mga lugar na landslide-prone dahil posible pang magkaroon ng malalakas na aftershock.

Author profile

Si Venus L Peñaflor ay naging editor-in-chief ng Newsworld, isang lokal na pahayagan ng Laguna. Publisher din siya ng Daystar Gazette at Tutubi News Magazine. Siya ay isa ring pintor at doll face designer ng Ninay Dolls, ang unang Manikang Pilipino. Kasali siya sa DesignCrowd sa rank na #305 sa 640,000 graphic designers sa buong daigdig. Kasama din siya sa unang Local TV Broadcast sa Laguna na Beyond Manila. Aktibong kasapi siya ng San Pablo Jaycees Senate bilang isang JCI Senator.