PASAY CITY — Tinanggap na ni Director General Tereso O. Panga ng Philippine Economic Zone Authority (PEZA) ang panukala ng lungsod ng San Pablo para sa pagtatayo ng isang agri-industrial economic zone. Ang nasabing dokumento ay nakatakdang ilahad sa Board of Directors ng PEZA, at pagkatapos ay iaakyat kay Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. para sa pinal na pag-apruba.
Sa pagpupulong kasama si Mayor Najie B. Gapangada Jr., nabanggit ni Panga ang planong pag-akit ng mga foreign companies sa lungsod bilang bahagi ng proyekto. Kasama sa pulong sina Ambassador Romeo Manalo, Investment and Economic Development Consultant; City Administrator Rick Jason Tatlonghari; City Planning and Development Officer Richmond Concordia; Deputy Administrator Paolo Conducto; Executive-Legislative Liaison Consultant Dr. Fernando See; at City Information Officer Rolly Inciong.
Ayon sa PEZA, kabilang ang San Pablo City sa mga lokal na pamahalaang nagpahayag ng interes na magkaroon ng ecozone, kasama ang Naga City at Los Baños City. Inihayag ni Panga na: “We certainly welcome these new host LGUs to join the PEZA network of 427 operating ecozones (and counting) all over the country.”
Ang proyektong agro-industrial ecozone ay inaasahang makakatulong sa pagpapalago ng lokal na agrikultura sa pamamagitan ng modernong pasilidad, pagpoproseso ng produkto, at paglikha ng trabaho.
Sa ilalim ng batas na namamahala sa mga special economic zone, layon ng PEZA na hikayatin ang pamumuhunan, pagpalawak ng export, at pagbibigay ng insentibo para sa paglago ng industriya. Dahil dito, inaasahang magsisilbing katalista ang agri-industrial ecozone ng San Pablo sa pagyabong ng ekonomiya sa rehiyon ng CALABARZON.
Tulad ng sinabi ni Panga, ang pagsasabatas ng mga panuntunan sa ilalim ng CREATE Law ay magpapadali sa pagpasok ng mga mamumuhunan sa ecozones sa buong bansa.
Patuloy ang pakikipag-ugnayan ng PEZA sa mga lokal na pamahalaan upang mapalawak pa ang network ng ecozones sa Pilipinas.
With reports from the San Pablo City Information Office and BusinessWorld
Si Venus L Peñaflor ay naging editor-in-chief ng Newsworld, isang lokal na pahayagan ng Laguna. Publisher din siya ng Daystar Gazette at Tutubi News Magazine. Siya ay isa ring pintor at doll face designer ng Ninay Dolls, ang unang Manikang Pilipino. Kasali siya sa DesignCrowd sa rank na #305 sa 640,000 graphic designers sa buong daigdig. Kasama din siya sa unang Local TV Broadcast sa Laguna na Beyond Manila. Aktibong kasapi siya ng San Pablo Jaycees Senate bilang isang JCI Senator.






