MAYNILA — Sunod-sunod na aksyon ang isinampa ng mga ahensya ng pamahalaan laban sa mga contractor at opisyal ng gobyerno kaugnay ng lumalaking kontrobersiya sa flood control projects, na tinaguriang “Trillion Peso Scandal.”
P1 bilyong ari-arian ng Discayas, naka-freeze
Kinumpirma ni Department of Public Works and Highways (DPWH) Secretary Vince Dizon na ipinaabot na sa Independent Commission for Infrastructure (ICI) at Anti-Money Laundering Council (AMLC) ang listahan ng mga ari-arian ng mag-asawang contractor na sina Pacifico “Curlee” at Cezarah Rowena “Sarah” Discaya para sa posibleng forfeiture.
Ayon kay Dizon, ang P1 bilyong halaga ng kanilang yaman ay inisyuhan na ng freeze order ng AMLC dalawang araw matapos ang pormal na kahilingan ng DPWH. Tumanggi siyang tukuyin ang detalye dahil sa data privacy, ngunit kinumpirma niyang kabilang dito ang isang mansiyon na kamakailan ay binato ng putik ng mga residente.
Ipinaliwanag ni DPWH Undersecretary Ricardo Bernabe III na mahalaga ang pag-freeze upang hindi ma-dispose ang mga ari-arian. “Actually… they can file civil forfeiture proceedings if found that the proceeds used to buy these assets are from unlawful activities, money laundering activities,” ani Bernabe.
Nauna nang inihayag ng AMLC na inisyuhan ng Court of Appeals ng freeze order ang 836 bank accounts, 12 e-wallets, 24 insurance policies, 81 motor vehicles, at 12 real estate properties na konektado sa mga iniimbestigahan. Sa kabuuan, umaabot na sa P2.9 bilyon ang halaga ng frozen assets kaugnay ng anomalya.
Ethics complaint laban kay Sen. Escudero
Samantala, inireklamo sa Senate Ethics Committee si Sen. Francis “Chiz” Escudero kaugnay ng umano’y P30 milyong campaign donation noong 2022 mula sa contractor na si Lawrence Lubiano.
Ayon sa reklamong inihain ni Atty. Marvin Aceron, lumobo ang bilang ng kontrata ng Centerways Construction and Development Inc. matapos mahalal si Escudero, na nakakuha umano ng 112 kontrata na nagkakahalaga ng P16.67 bilyon mula 2021 hanggang 2025, kumpara sa 12 kontrata lamang bago ang halalan.
Inihayag din ni Aceron na majority stockholder si Lubiano sa Metroways Health Care and Medical System Inc. na nakakuha rin ng kontrata sa Bicol. May anim na grounds ang reklamo kabilang ang conflict of interest, integrity of public procurement, at conduct unbecoming a member of the Senate.
Itinanggi ni Escudero ang alegasyon at sinisi si dating House Speaker Martin Romualdez na umano’y nasa likod ng reklamo. Ani Escudero, ito ay bahagi ng “harassments at scripts para mapagtakpan ang mga isyu laban sa kanya.”
Bid-rigging cases laban sa contractors
Bukod dito, pormal na ring nagsampa ng kaso ang DPWH laban sa ilang contractor at dating opisyal ng ahensya kaugnay ng bid-rigging at bid manipulation.
Isinumite sa Philippine Competition Commission (PCC) ang dalawang reklamo: una, laban sa Wawao Builders, IM Construction Corporation, SYMS Construction Trading, St. Timothy Construction Corporation (na pagmamay-ari ng mga Discaya), at ilang dating opisyal ng Bulacan First District Engineering Office; at ikalawa, laban sa Sunwest, Inc., na iniuugnay kay dating Ako Bicol party-list Rep. Zaldy Co, at mga opisyal ng DPWH Regional Office IV-B.
Ayon kay Dizon, maaari silang maharap sa hanggang P110 milyong multa para sa unang paglabag at hanggang P250 milyong multa para sa mga kasunod na paglabag. Sa kaso ng mga Discaya, na nakakuha ng 1,214 flood control contracts na nagkakahalaga ng P77.934 bilyon mula 2016 hanggang 2025, maaari silang maharap sa hanggang P300 bilyong penalty.
“Mas malaki pa ang penalty kesa sa amount of contracts… Ang Discaya ang pinakamadami… Discaya ang champion dito,” ani Dizon.
Dagdag pa niya, umaasa ang DPWH na bibilisan ng PCC ang pagproseso ng kaso. “In the case of the Discayas sila na mismo ang umamin na kasama sila sa bid-rigging… under oath nila sinabi ito sa Blue Ribbon,” ayon pa rin sa kanya.

Si Venus L Peñaflor ay naging editor-in-chief ng Newsworld, isang lokal na pahayagan ng Laguna. Publisher din siya ng Daystar Gazette at Tutubi News Magazine. Siya ay isa ring pintor at doll face designer ng Ninay Dolls, ang unang Manikang Pilipino. Kasali siya sa DesignCrowd sa rank na #305 sa 640,000 graphic designers sa buong daigdig. Kasama din siya sa unang Local TV Broadcast sa Laguna na Beyond Manila. Aktibong kasapi siya ng San Pablo Jaycees Senate bilang isang JCI Senator.






