San Pablo City at DICT, nagbukas ng Digital Transformation Center para sanayin ang 20,000 kabataan

0
439

SAN PABLO CITY, Laguna — Inilunsad ng Pamahalaang Lungsod ng San Pablo at Department of Information and Communications Technology (DICT) ang isang makabago at progresibong hakbang tungo sa digitalization sa pamamagitan ng opisyal na pagbubukas ng kauna-unahang Digital Transformation Center (DTC) sa Laguna.

Ang kasunduan para sa proyekto ay nilagdaan nina Mayor Najie B. Gapangada Jr. at DICT Secretary Henry Rhoel Aguda, sa harap nina DICT Region IV-A Regional Director Reniel A. Villaflor at Ferdinand Alcos, tagapamahala ng San Pablo City Digitalization and Management Information Office.

Ayon kay Director Villaflor, layunin ng DTC San Pablo na magsagawa ng pagsasanay para sa mahigit 20,000 katao, partikular sa mga kabataan, sa larangan ng Information Technology, Artificial Intelligence, Cybersecurity, Software Programming, Digital Hardware Management, Digital Networking, at Data Science.

Ipinaliwanag ni Villaflor na maraming benepisyo ang makukuha ng mga lalahok sa training program, kabilang ang libreng scholarship para sa mga kursong dating may mataas na bayad, pagpapaunlad ng kasanayan at mas mataas na oportunidad sa trabaho, gayundin ang tulong sa mga freelancers at nagsisimula pa lamang sa digitalization sa pamamagitan ng modernong teknolohiya at kaalamang makukuha sa DTC. Magkakaroon din ng co-working space sa DTC San Pablo para sa mga negosyante at startup developers na nais paunlarin ang kanilang mga proyekto sa lungsod.

Dagdag pa ni Villaflor, buo ang suporta ng National Government sa mga proyektong magpapalakas ng teknolohikal na imprastraktura ng San Pablo. Kabilang dito ang underground cabling project para sa internet at kuryente, kung saan ang San Pablo City ang magsisilbing pilot area ng buong rehiyon.

Binigyang-diin naman ni Mayor Gapangada ang layunin ng proyekto bilang daan tungo sa mas modernong kinabukasan. “Hindi lamang ito sentro ng teknolohiya, kundi tulay sa mas maliwanag na kinabukasan ng bawa’t San Pableño,” ani ng alkalde.

Ayon kay Ferdinand Alcos, ang DTC San Pablo ay magiging malaking tulong sa pagpapaunlad ng lungsod, pagpapabuti ng pamahalaang lokal, at pagpapabilis sa paghahatid ng serbisyo publiko. Itinalaga naman si DICT Officer Desiree Lechuga upang subaybayan ang mga programa at pasilidad ng DTC San Pablo na matatagpuan sa Mega Capitol. Target ng programa na makatulong sa mahigit 800,000 katao na makahanap ng hanapbuhay gamit ang kanilang natutunang digital skills.

Pinangunahan ang ribbon-cutting ceremony nina Director Villaflor, Dr. Maria Graciela R. Bucad (TOD Head ng DICT IV-A), City Councilor Carmela Acebedo, San Pablo City Chief of Staff Raul Polinag, Deputy Administrator Paolo Lopez, Ferdinand Alcos, at MISO Administrator Jiggs Alcantara.

Ang San Pablo City ay isang component city sa lalawigan ng Laguna, bahagi ng rehiyong CALABARZON. Batay sa 2020 census, mayroon itong populasyon na 285,348 at lawak na 197.56 square kilometers. Si Henry Rhoel R. Aguda, na hinirang bilang DICT Secretary noong Marso 2025, ay dating CEO ng UnionDigital Bank at kilala sa kanyang malawak na karanasan sa digital infrastructure at financial technology.

Ang pagbubukas ng DTC San Pablo ay bahagi ng mas malawak na programa ng pamahalaan para sa digital literacy, inclusion, at innovation, na layuning gawing sentro ng teknolohiya at oportunidad ang San Pablo City.

Ang kasunduan para sa proyekto ay nilagdaan nina Mayor Najie B. Gapangada Jr. at DICT Secretary Henry Rhoel Aguda, sa harap nina DICT Region IV-A Regional Director Reniel A. Villaflor at Ferdinand Alcos, tagapamahala ng San Pablo City Digitalization and Management Information Office.
Author profile

Si Venus L Peñaflor ay naging editor-in-chief ng Newsworld, isang lokal na pahayagan ng Laguna. Publisher din siya ng Daystar Gazette at Tutubi News Magazine. Siya ay isa ring pintor at doll face designer ng Ninay Dolls, ang unang Manikang Pilipino. Kasali siya sa DesignCrowd sa rank na #305 sa 640,000 graphic designers sa buong daigdig. Kasama din siya sa unang Local TV Broadcast sa Laguna na Beyond Manila. Aktibong kasapi siya ng San Pablo Jaycees Senate bilang isang JCI Senator.