MAYNILA — Mahigit sa 100 sinkhole ang natuklasan sa bayan ng San Remigio, Cebu matapos ang 6.9 magnitude na lindol noong Setyembre 30, habang nagbabala naman ang Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs) na maaaring magpasabog sa Bulkang Taal ang tinaguriang “The Big One” kung tatama ito sa Metro Manila at mga kalapit-lalawigan.
Ayon kay San Remigio Mayor Mariano Martinez, labis na nababahala ang mga residente matapos madiskubre ang mga malalalim na hukay o sinkhole sa iba’t ibang bahagi ng bayan.
“Bago pa man ang lindol ay ipinabatid na sa amin ng mga opisyal ng Phivolcs hinggil sa pagkakaroon ng napakaraming sinkholes,” ani Martinez sa isang panayam sa radyo.
Kinumpirma rin niya na may 15 sinkhole na iba-iba ang sukat at lalim ang natagpuan sa Sitio Sansan, Barangay Maño, habang ilan pa ay nakita sa Poblacion at iba pang lugar sa San Remigio. Dahil dito, may ilang residente na pansamantalang lumikas sa takot na muling magkaroon ng trahedya.
Samantala, sa isang media forum sa Quezon City, sinabi ni Phivolcs Director Teresito Bacolcol na ang “Big One” o ang inaasahang magnitude 7.2 na lindol mula sa paggalaw ng West Valley Fault ay maaaring magdulot ng pagsabog ng Bulkang Taal.
Ang Marikina Valley Fault System, na bumabaybay mula Doña Remedios Trinidad sa Bulacan hanggang Canlubang sa Laguna, ang pinagmumulan ng naturang banta. Batay sa pag-aaral noong 2004, tinatayang aabot sa 33,500 katao ang maaaring masawi sa Metro Manila, at higit 48,000 kung isasama ang mga kalapit-lalawigan.
Ayon kay Bacolcol, “It could range from a minor eruption to a major eruption,” ngunit tiniyak niyang mas handa na ngayon ang mga Pilipino kumpara noong mga nakaraang dekada.
Sinabi rin ng opisyal na nakatulong nang malaki ang social media at mga regular earthquake drill sa pagpapalaganap ng kaalaman sa paghahanda laban sa lindol.
Kaugnay nito, inihayag ng Phivolcs na muling rerepasuhin ng ahensya, katuwang ang Japan International Cooperation Agency (JICA), ang 2014 Metro Manila Earthquake Impact Reduction Study upang muling suriin ang posibleng epekto ng major earthquake mula sa West Valley Fault.
“Next year we will revisit the study. May ongoing talks na with JICA… We are just waiting for some signatures,” ani Bacolcol.
Batay sa naturang pag-aaral ng JICA, posibleng umabot sa 34,000 ang mamamatay at 114,000 ang masusugatan kung gagalaw ang West Valley Fault at magdudulot ng 7.2 magnitude na lindol.
“If West Valley Fault moves, the whole of Metro Manila would experience some Intensity 8 earthquake, and an Intensity 8 is devastating,” dagdag ni Bacolcol.
Patuloy na nananawagan ang Phivolcs sa mga lokal na pamahalaan at publiko na pag-ibayuhin pa ang paghahanda at maging mapanuri sa iba pang aktibong fault lines na maaaring magdulot ng matinding pagyanig.
Si Venus L Peñaflor ay naging editor-in-chief ng Newsworld, isang lokal na pahayagan ng Laguna. Publisher din siya ng Daystar Gazette at Tutubi News Magazine. Siya ay isa ring pintor at doll face designer ng Ninay Dolls, ang unang Manikang Pilipino. Kasali siya sa DesignCrowd sa rank na #305 sa 640,000 graphic designers sa buong daigdig. Kasama din siya sa unang Local TV Broadcast sa Laguna na Beyond Manila. Aktibong kasapi siya ng San Pablo Jaycees Senate bilang isang JCI Senator.






