Pahayag nina Sara at Baste Duterte ginamit ng ICC sa pagtanggi sa hiling ni dating Pangulong Duterte

0
1167

MAYNILA — Isinaalang-alang ng International Criminal Court (ICC) ang mga pampublikong pahayag ni Vice President Sara Duterte at ang papel sa politika ng kanyang kapatid na si Davao City Vice Mayor Sebastian “Baste” Duterte sa naging desisyon nitong huwag payagan ang hiling ni dating Pangulong Rodrigo Duterte na pansamantalang makalaya mula sa detention.

Batay sa 23-pahinang desisyon ng ICC Pre-Trial Chamber I, nananatiling “flight risk” si Duterte at itinuturing na potensyal na banta sa mga testigo, bukod pa sa posibilidad na muling gawin ang mga krimeng ibinibintang sa kanya.

Ayon sa korte, ang mga pahayag at posisyon ng kanyang mga anak ay nagpatibay sa pangamba na maaaring hindi humarap sa paglilitis ang dating pangulo at posibleng umiwas sa “commission of related crimes.”

Kabilang sa mga binanggit ng ICC ang mga pahayag ni VP Sara Duterte, na nagbiro noong Hulyo sa harap ng mga tagasuporta na itatakas ang kanyang ama at nagpahayag pa ng paniniwalang kinidnap ito at dinala sa The Hague. Tinukoy din ng korte ang pahayag umano ni Sara na nais ng kanyang ama na bumalik sa Davao City kung sakaling palayain.

“The foregoing illustrates Mr. Duterte’s rejection of the proceedings against him before the Court, and the will of his close family to help him elude detention and prosecution,” ayon sa desisyon ng mga hukom.

Dagdag pa ng ICC, nananatili ang malakas na impluwensya sa pulitika ni Duterte dahil sa mga mataas na posisyon ng kanyang mga anak sa gobyerno. Binanggit ng korte ang kasalukuyang tungkulin ni Baste Duterte bilang acting mayor ng Davao City, isa sa mga lugar na iniimbestigahan kaugnay ng umano’y extrajudicial killings.

Ayon sa korte, maaaring gamitin ng dating pangulo ang mga lokal na network at impluwensya sa Davao City upang makaiwas sa hustisya.

Itinanggi rin ng ICC ang argumento ng depensa hinggil sa edad at kalusugan ni Duterte. Bagaman nagsumite ng medical reports ang kanyang mga abogado na nagsasabing mahina na ang dating pangulo, sinabi ng korte na hindi ito sapat na patunay na hindi na siya “flight risk.”

Hindi rin tinanggap ng chamber ang 16 na panukalang kondisyon na inihain ng depensa para sa pansamantalang pagpapalaya ni Duterte, kabilang na ang paggamit ng electronic monitoring, limitadong galaw, at restriksyon sa komunikasyon.

Sa ngayon, nananatiling nasa kustodiya ng ICC si dating Pangulong Duterte habang nagpapatuloy ang proseso kaugnay ng mga kasong may kinalaman sa umano’y extrajudicial killings sa war on drugs noong panahon ng kanyang administrasyon.

Author profile

Si Venus L Peñaflor ay naging editor-in-chief ng Newsworld, isang lokal na pahayagan ng Laguna. Publisher din siya ng Daystar Gazette at Tutubi News Magazine. Siya ay isa ring pintor at doll face designer ng Ninay Dolls, ang unang Manikang Pilipino. Kasali siya sa DesignCrowd sa rank na #305 sa 640,000 graphic designers sa buong daigdig. Kasama din siya sa unang Local TV Broadcast sa Laguna na Beyond Manila. Aktibong kasapi siya ng San Pablo Jaycees Senate bilang isang JCI Senator.