San Pablo City Agri Office, nagsanay sa coconut production and management

0
288

SAN PABLO CITY — Pinaigting ng San Pablo City Agriculturist Office–Farmer’s Information and Technology Services (FITS) Center ang adbokasiya para sa pagpapaunlad ng industriya ng niyog sa lungsod sa pamamagitan ng dalawang araw na “Seminar on Coconut Production and Management” na ginanap noong Oktubre 8 at 9, 2025 sa Convention Center, Barangay San Jose. Isinagawa ang programa sa pakikipagtulungan ng Philippine Coconut Authority (PCA), sa pangunguna nina Executive Assistant for Agriculture Pepito D. Bonilla at City Agriculturist Abegail F. Agnes.

Dinaluhan ng mga magsasaka mula sa iba’t ibang barangay ng San Pablo, ang seminar ay nagbigay ng masusing kaalaman at kasanayan sa tamang pagtatanim, pangangalaga, at pamamahala ng mga niyogan alinsunod sa mga pamantayan ng PCA. Tinalakay dito ang kalagayan ng industriya ng niyog, pisyolohiya at mga yugto ng paglago ng puno, pagpili ng de-kalidad na binhi, pest management, wastong pag-aabono, at pagtatatag ng coconut nursery.

Ayon sa PCA, patuloy na tumataas ang demand sa produktong niyog sa lokal at pandaigdigang merkado, lalo na sa virgin coconut oil, coco sugar, at iba pang coconut-based products. Sa buong bansa, tinatayang higit sa 2.5 milyong Pilipino ang umaasa sa niyugan bilang pangunahing kabuhayan, batay sa datos ng Philippine Coconut Authority at Department of Agriculture. Gayunman, nananatiling hamon sa sektor ang pagtanda ng mga puno at ang epekto ng pagbabago ng klima sa ani, dahilan kung bakit mahalagang ipagpatuloy ang ganitong mga pagsasanay para sa mga lokal na magsasaka.

Ilan sa mga naging tagapagsalita mula sa PCA ay sina Farmer Scientist Estelito M. Reyes; Pollen Processors Kennedy N. Mangala at Jomar G. Abana; at mga agriculturist na sina Lovely A. Labor, Ruel P. De Villa, Riza L. Manalo, Rose Ann O. Alejandro, at Charlon L. Pabon. Dumalo rin si Project Development Officer I Laime Jane U. Guevarra upang ibahagi ang mga bagong programa ng PCA para sa pagpapatatag ng industriya.

“Malaki ang naitutulong ng mga ganitong seminar upang patuloy na maipatupad ang mga programa sa pagpapalago ng industriya ng niyog sa Lungsod ng San Pablo,” pahayag ni Mayor Najie B. Gapangada Jr. Aniya, patuloy ang suporta ng lokal na pamahalaan sa pagbibigay ng tulong teknikal at materyales upang mapataas ang ani at kita ng mga magsasaka.

Ang naturang pagsasanay ay inaasahang magbubukas ng mas maraming oportunidad para sa mga magsasaka ng niyog sa San Pablo, kasabay ng pagpapatupad ng Republic Act No. 11524 o Coconut Farmers and Industry Trust Fund Act na layong palakasin ang suporta at proteksyon para sa mga nagtatanim ng niyog sa buong bansa.

Sa tuloy-tuloy na pakikipagtulungan ng PCA at lokal na pamahalaan, inaasahang mas magiging produktibo, moderno, at matatag ang industriya ng niyog sa San Pablo City, isang hakbang tungo sa mas maunlad at sustenableng agrikultura sa rehiyon.

Ilan sa mga naging tagapagsalita mula sa PCA ay sina Farmer Scientist Estelito M. Reyes; Pollen Processors Kennedy N. Mangala at Jomar G. Abana; at mga agriculturist na sina Lovely A. Labor, Ruel P. De Villa, Riza L. Manalo, Rose Ann O. Alejandro, at Charlon L. Pabon. Dumalo rin si Project Development Officer I Laime Jane U. Guevarra upang ibahagi ang mga bagong programa ng PCA para sa pagpapatatag ng industriya.
Author profile

Si Venus L Peñaflor ay naging editor-in-chief ng Newsworld, isang lokal na pahayagan ng Laguna. Publisher din siya ng Daystar Gazette at Tutubi News Magazine. Siya ay isa ring pintor at doll face designer ng Ninay Dolls, ang unang Manikang Pilipino. Kasali siya sa DesignCrowd sa rank na #305 sa 640,000 graphic designers sa buong daigdig. Kasama din siya sa unang Local TV Broadcast sa Laguna na Beyond Manila. Aktibong kasapi siya ng San Pablo Jaycees Senate bilang isang JCI Senator.