MAYNILA — Posibleng sa kulungan na magdiwang ng Pasko ang ilang opisyal at kontraktor na sangkot umano sa maanomalyang flood control projects sa bansa, ayon kay Department of Public Works and Highways (DPWH) Secretary Vince Dizon.
“Sa tingin ko, sa kulungan na sila magpa-Pasko niyan,” tugon ni Dizon nang tanungin kung kailan inaasahang maaaresto ang mga akusado sa flood control scam.
Ayon sa kalihim, ang mga unang posibleng maaresto ay kabilang sa mga kasong isinampa sa Office of the Ombudsman noong Setyembre. Kabilang dito sina dating DPWH district engineer Henry Alcantara, dating Bulacan 1st District assistant engineer Brice Hernandez, at contractor na si Sarah Discaya ng St. Timothy Construction Corporation.
Binanggit ni Dizon na base sa pahayag ni Ombudsman Boying Remulla, ang kasong inihain noong Setyembre 13 ang unang magbubunga ng pag-aresto. “Kasama po d’yan ‘yung mga notorious na taga-First District of Bulacan… sina Alcantara, Hernandez, at si Sarah Discaya,” aniya.
Dagdag pa ng kalihim, mabilis umanong umuusad ang proseso mula nang maupo si Remulla. “Tingin ko baka linggo na lang ho ang binibilang d’yan… kaunti na lang po. Sunud-sunod na po ito,” sabi ni Dizon.
Si Venus L Peñaflor ay naging editor-in-chief ng Newsworld, isang lokal na pahayagan ng Laguna. Publisher din siya ng Daystar Gazette at Tutubi News Magazine. Siya ay isa ring pintor at doll face designer ng Ninay Dolls, ang unang Manikang Pilipino. Kasali siya sa DesignCrowd sa rank na #305 sa 640,000 graphic designers sa buong daigdig. Kasama din siya sa unang Local TV Broadcast sa Laguna na Beyond Manila. Aktibong kasapi siya ng San Pablo Jaycees Senate bilang isang JCI Senator.






