SAN PABLO CITY — Habang papalapit ang Undas, muling nabubuhay sa bawat tahanan ng Pilipino ang diwa ng paggunita at pagmamahal sa mga pumanaw. Sa kabila ng modernong panahon, nananatiling buhay ang mga tradisyong matagal nang bahagi ng kulturang Pilipino tulad ng pagsisindi ng kandila, pag-aalay ng bulaklak, at pananalangin para sa mga yumao.
Para kay Thez Cruz. empleyado ng water district at residente ng Barangay San Isidro, hindi kumpleto ang taon kung hindi makakadalaw sa puntod ng kanyang yumaong ama at biyenan. “Kahit malayo ang mga kamag anak ko, sinisiguro naming may kandila at bulaklak pa rin si Tatay at sila Inay. Parang nabubuo ulit ang pamilya namin tuwing Undas,” sabi niya habang inaayos ang mga puting chrysanthemums sa puntod.
Sa mga sementeryo ng San Pablo City, makikita ang iba’t ibang paraan ng paggunita. May mga pamilyang maagang bumibisita upang maiwasan ang dagsa ng tao, samantalang ang iba ay sabay-sabay na nag-aalay ng pagkain, dasal, at awitin bilang paggunita sa kanilang mga mahal sa buhay.
Ngunit sa pag-usbong ng teknolohiya, unti-unting nagbabago ang paraan ng pag-alala. Maraming Pilipino, lalo na ang mga nasa ibang bansa, ang gumagamit ngayon ng online candles at digital memorials upang mag-alay ng dasal at mensahe sa kanilang mga yumaong kamag-anak.
Ayon kay Mylene Bacod, isang empleyado sa City Planning and Development Office na maagang nabalo, mahalagang ipaalala sa kabataan ang tunay na diwa ng Undas. “Hindi ito tungkol sa takutan o costume parties. Ito ay panahon ng pagninilay, paggunita, at pasasalamat sa mga taong naging bahagi ng ating buhay,” ani Mylene.
Para naman kay Joyce Juanillo, isang empleyado ng local government na nawalan ng ilan sa kanyang mga mahal sa buhay kabilang ang kanyang lolo, ang Undas ay panahon ng malalim na pagninilay. “Tuwing pumupunta ako sa puntod ni Lolo, bumabalik lahat ng alaala namin. Naiiyak pa rin ako hanggang ngayon, pero nagpapasalamat ako sa mga itinuro niya,” emosyonal na pahayag ni Joyce habang nag-aalay ng bulaklak.
Para sa maraming Pilipino, ang Undas ay hindi lamang pag-alala sa kamatayan kundi pagdiriwang ng buhay at koneksyon sa mga naiwan. Sa bawat sindi ng kandila at dasal na binibigkas, muling nabubuhay ang mga alaala ng pag-ibig, sakripisyo, at pag-asa.
Ngayong Undas 2025, habang patuloy ang pagbabago ng panahon, nananatiling matatag ang mga tradisyong nagbibigay saysay sa ating pagkatao bilang mga Pilipino.
Si Venus L Peñaflor ay naging editor-in-chief ng Newsworld, isang lokal na pahayagan ng Laguna. Publisher din siya ng Daystar Gazette at Tutubi News Magazine. Siya ay isa ring pintor at doll face designer ng Ninay Dolls, ang unang Manikang Pilipino. Kasali siya sa DesignCrowd sa rank na #305 sa 640,000 graphic designers sa buong daigdig. Kasama din siya sa unang Local TV Broadcast sa Laguna na Beyond Manila. Aktibong kasapi siya ng San Pablo Jaycees Senate bilang isang JCI Senator.






