Taon taon, halos lahat ng tao sa buong mundo ay may New Year’s resolution. Sa panahon ngayon ano nga ba ang magandang New Year’s resolution na makakatulong sa sangkatauhan?
“Mula sa taong 2022 ay mamahalin at pahahalagahan ko ang Inang Kalikasan.” Isa ito sa pinakamagandang bagong pangako sa sarili na makabubuti para sa lahat hanggang sa mga susunod na henerasyon.
Marahil ay kailangan nating maranasan ang buhay sa bukid at gubat upang madama natin ang kahalagahan ng pagmamahal sa Inang Kalikasan. Subukan nating magpasyal sa parang, bukid at gubat upang makita natin at madama kung bakit kailangan nating bigyan ng mahalagang pansin ang kalikasan at ang nag iisang mundo natin.
Alalahanin natin na ang “simpleng” kapabayaan ay maaaring magdulot ng komplikado at masamang epekto. Ang maliit na kapabayaan sa kalikasan ay nagdudulot ng kapahamakan. Dahil dito ay maraming nasasayang na buhay, nawasak na pinagpaguran at nawalang pangkabuhayan. Ganon din, ang pagiging iresponsable at pagkaganid ng iilan.
Nawa ay maging kabawasan tayo sa halip na maging karagdagan sa impact sa climate change.
Kami ni Myrna ay matagal ng nagsimulang mag practice ng greening, composting at 5 R’s (recycle, reduce, repurpose, refuse, reuse). Dito sa amin sa bukid ang mga bagay na patapon na ay mayroon pang pakinabang. Gaya ng sa mga bunot ng niyog o coconut husk. Ito ay maituturing ng basura sa niyugan ngunit ito ay maraming magagandang pakinabang.
Maraming produkto ang pwedeng gawin sa bunot. Ang bunot ng niyog ay isang napakagandang growing medium para sa hydroponic application at container garden. Ang isa sa mga pangunahing dahilan kung bakit ang bunot ng niyog ay napakahusay na medium ay dahil sa natural nitong kakayahang mapanatili tubig sa mahabang panahon.
Ang geonet na inilalatag sa mga slope at nakakatulong para maiwasan ang soil erosion ay gawa din sa coconut husk. Ginagawa din itong matibay na lubid o coconut fiber rope at kutson na kung tawagin sa ibang bansa ay coconut coir mattresses. Dahil sa makabagong technology, ang mga ito ay nagawa na ring building material na ecocoboard.
Napakaganda basura ng bunot ng niyog. Isa itong tunay na halimbawa ng “from waste to something useful” na makakabuti sa kapaligiran at makakadagdag kita sa ating mga maliliit na magsasaka.
Ngayong 2022, subukan nating mag recharge ng environmental awareness. Ngayon ang panahon upang turuan natin ang ating mga anak na magkaroon ng kamalayan sa pagmamalasakit sa kalikasan.
Word of the week:
The nations raged, but your wrath came, and the time for the dead to be judged, and for rewarding your servants, the prophets and saints, and those who fear your name, both small and great, and for destroying the destroyers of the earth. – Revelation 11:18
Joel Frago
Si Joel Frago ay isang rehistradong Nurse at Midwife. Siya ay isa ring Pastor. Naging magsasaka siya mula noong 2004 at nagkamit ng mga pagkilala at prangal sa larangan ng farming. Pinarangalan siya bilang isa sa Ten Outstanding Pableño noong 2018. Siya ang nataguriang Kusinero de Bukid ng Forest Wood Garden, isang agritourism destination na dinrayo ng mga turista mula sa loob at labas ng bansa.