MAYNILA – Iginiit ng Makabayan bloc na hindi maaaring gawing taguan ni Senador Ronald “Bato” dela Rosa ang Senado sakaling isilbi ng International Criminal Court ang warrant of arrest kaugnay ng sinasabing crimes against humanity sa madugong war on drugs ng administrasyong Duterte.
Kinumpirma ni Ombudsman Boying Remulla na naglabas na ng arrest warrant ang ICC laban sa senador. Kasunod nito, umani ng batikos ang pahayag ni Senate President Vicente Sotto III na hindi maaaring arestuhin si Dela Rosa sa loob ng Senado.
Ayon kina ACT Teachers Partylist Rep. Antonio Tinio, Gabriela Women’s Party Rep. Sarah Elago at Kabataan Partylist Rep. Renee Louise Co, hindi dapat nagiging kanlungan ang Senado upang makaiwas sa pag aresto at hindi dapat humarang ang Korte Suprema sa pag usad ng hustisya.
Binigyang diin ni Tinio na hindi dapat manatiling malaya ang mga utak at tagapagpatupad ng war on drugs dahil mahaba ang listahan ng mga pamilyang naghahangad ng hustisya. Dapat managot si Dela Rosa at ang lahat ng sangkot, aniya.
Nanawagan din ang Makabayan bloc sa agarang pagtupad sa ICC arrest warrant at hindi pagbigay ng anumang kompromiso o espesyal na pagtrato mula sa administrasyon ni Pangulong Marcos sa panig ng dating Pangulong Duterte.
Sinabi naman ni Elago na hinihikayat nila ang publiko na maghanda ng kolektibong pagkilos para sa hustisya at manatiling mapagmatyag upang matiyak ang pananagutan.
Si Dela Rosa ang hepe ng Philippine National Police noong ipinatupad ang war on drugs ng Duterte administration.
Si Venus L Peñaflor ay naging editor-in-chief ng Newsworld, isang lokal na pahayagan ng Laguna. Publisher din siya ng Daystar Gazette at Tutubi News Magazine. Siya ay isa ring pintor at doll face designer ng Ninay Dolls, ang unang Manikang Pilipino. Kasali siya sa DesignCrowd sa rank na #305 sa 640,000 graphic designers sa buong daigdig. Kasama din siya sa unang Local TV Broadcast sa Laguna na Beyond Manila. Aktibong kasapi siya ng San Pablo Jaycees Senate bilang isang JCI Senator.






