Leadership change sa BIR: Lumagui pinalitan ni Mendoza bilang komisyoner

0
442

MAYNILA – Pinatanggal ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. si Romeo Lumagui Jr. bilang komisyoner ng Bureau of Internal Revenue (BIR) at itinalaga sa kanyang puwesto si Finance Undersecretary Charlito Mendoza. Kinumpirma ito ng Presidential Communications Office (PCO) nitong Miyerkoles ng gabi.

Batay sa dokumentong may petsang Nobyembre 12, 2025, na nilagdaan mismo ng Pangulo, si Mendoza ang bagong pinuno ng ahensiya. Hindi pa inilalabas ang mga detalye hinggil sa iba pang galaw sa hanay ng mga opisyal ng Department of Finance.

Umalis si Lumagui sa BIR ilang buwan matapos maabot at malampasan ng ahensiya ang target nitong koleksiyon sa unang kalahati ng 2025.

Ayon sa ulat ng BIR noong Agosto, nakapagtala ito ng P1.554 trilyon mula Enero hanggang Hunyo 2025, P4.594 bilyon na mas mataas sa itinakdang target para sa nasabing panahon. Tumaas din ng 14.11 porsiyento o katumbas ng P192.143 bilyon ang kabuuang koleksiyon kumpara noong nakaraang taon.

Ang naturang koleksiyon ay umabot na sa mahigit 48 porsiyento ng kabuuang target ng ahensiya para sa buong taon na P3.232 trilyon.

Bago ang pagbabago sa pamunuan, nagsampa ang BIR ng reklamong tax evasion sa Department of Justice laban sa tatlong dating engineer ng Department of Public Works and Highways (DPWH) na sina Henry Alcantara, Brice Hernandez, at Jaypee Mendoza.

Ayon kay Lumagui, may kaugnayan ang kaso sa umano’y kakulangan sa pagbabayad ng higit P1.6 bilyong buwis mula 2020 hanggang 2024.

Isinagawa ng BIR ang imbestigasyon matapos magsagawa ng lifestyle check at pagsusuri sa mga isinumiteng Statement of Assets, Liabilities, and Net Worth (SALN) ng mga dating opisyal. Lumabas umano sa imbestigasyon na nakatanggap sila ng kickback mula sa mga maanomalyang proyekto sa flood control at nilinis ang naturang pera sa pamamagitan ng mga casino.

Natuklasan din ng BIR na nagpapalit umano ng malaking halaga ng pera ang mga ito para sa casino chips na hindi tugma sa kanilang idineklarang pinagkukunan ng kita.

Author profile

Si Venus L Peñaflor ay naging editor-in-chief ng Newsworld, isang lokal na pahayagan ng Laguna. Publisher din siya ng Daystar Gazette at Tutubi News Magazine. Siya ay isa ring pintor at doll face designer ng Ninay Dolls, ang unang Manikang Pilipino. Kasali siya sa DesignCrowd sa rank na #305 sa 640,000 graphic designers sa buong daigdig. Kasama din siya sa unang Local TV Broadcast sa Laguna na Beyond Manila. Aktibong kasapi siya ng San Pablo Jaycees Senate bilang isang JCI Senator.