Apela ni Duterte para sa interim release sa ICC ila-live sa Nobyembre 28

0
281

Ilalabas nang live online sa Nobyembre 28 ang pagdedeklara ng International Criminal Court o ICC sa apela ni dating Pangulong Rodrigo Duterte para sa interim release.

Sa abiso ng ICC, sinabi nitong magaganap ang delivery of judgment sa open court sa The Hague, Netherlands, alas 10:30 ng umaga oras sa lokal.

Mapapanood nang direkta ang pagdinig sa ICC website at sa mga social media platform tulad ng Facebook at YouTube.

Si Duterte ay kasalukuyang nakakulong sa Hague Penitentiary Institution dahil sa mga kasong crimes against humanity, kabilang ang mahigit 49 na insidente ng murder at attempted murder na kaugnay ng madugong kampanya kontra droga noong siya ay alkalde ng Davao City at pangulo ng Pilipinas.

Matapos mabigo ang mga naunang apela laban sa ICC jurisdiction sa kanyang pagkakaaresto, naghain ang kampo ng dating pangulo ng panibagong kahilingan para sa interim release.

Tinanggihan ito ng ICC na binigyang dahilan ang pagtutol ng dating pangulo sa kanyang pag-aresto, ang panawagan ng kanyang pamilya na maibalik siya sa Pilipinas, pati na ang sinabi ni Vice President Sara Duterte na iniuugnay umano sa posibleng paglabag sa ICC detention.

Noong Oktubre 14, naghain ang kampo ni Duterte ng apela para baligtarin ang nasabing pasya. Iginiit nito na hindi isinama ng hukuman ang umano’y “humanitarian considerations” sa desisyon.

Ayon sa apela, “Si Ginoong Duterte ay 80 taong gulang na, mahina, at debilitated. Kalupitan ang ikulong siya habang siya ay nananatiling pinaghihinalaan pa lamang. Ang isang hukuman na itinatag upang tugunan ang pinakamabibigat na krimen laban sa sangkatauhan ay dapat ding magpakita ng habag.”

Dagdag pa nito, “Wala si Ginoong Duterte ng anumang hangarin o kakayahang tumakas o bumalik sa buhay ng kapangyarihan o pulitika. Hiniling lamang niya ang interim release sa isang bansa kung saan maaari siyang makilahok sa confirmation proceedings sa isang kundisyong angkop sa kanyang mahina nang mental at pisikal na kalusugan.”

Author profile

Si Venus L Peñaflor ay naging editor-in-chief ng Newsworld, isang lokal na pahayagan ng Laguna. Publisher din siya ng Daystar Gazette at Tutubi News Magazine. Siya ay isa ring pintor at doll face designer ng Ninay Dolls, ang unang Manikang Pilipino. Kasali siya sa DesignCrowd sa rank na #305 sa 640,000 graphic designers sa buong daigdig. Kasama din siya sa unang Local TV Broadcast sa Laguna na Beyond Manila. Aktibong kasapi siya ng San Pablo Jaycees Senate bilang isang JCI Senator.