8 mambabatas na itinuturing na “cong-tractors” sinampahan ng plunder at graft

0
356

MAYNILA – Pormal nang inendorso ng Department of Public Works and Highways at ng Independent Commission for Infrastructure sa Office of the Ombudsman ang paghahain ng plunder, graft, at iba pang kasong administratibo at kriminal laban kay dating Ako Bicol Rep. Zaldy Co at pito pang mambabatas. Kaugnay ito ng umano’y maanomalyang pagpapatupad ng mahigit 1,300 infrastructure projects mula 2016 hanggang 2024.

Sa joint referral report, kabilang sa mga pinakakasuhan bukod kay Co, na may kaugnayan sa FS Co. Builders Supply, ang apat na district representatives:
Bulacan 2nd District Rep. Augustina Dominique Pancho ng C.M. Pancho Construction Inc.,
Cagayan 3rd District Rep. Joseph Lara ng JLL Pulsar Construction Corporation, Surigao del Norte 1st District Rep. Francisco Matugas ng Boometrix Development Corp., Tarlac 3rd District Rep. Noel Rivera ng Tarlac 3-G Construction and Development Corp.

Kasama rin sa iniireklamo ang tatlong party-list representatives: Rep. Edwin Gardiola ng CWS party-list, Newington Builders Inc., Rep. James Ang Jr. ng Uswag Ilonggo party-list, IBC International Builders Corporation at Allencon Development Corp., Rep. Jernie Jett Nisay ng Pusong Pinoy party-list, JVN Construction and Trading.

Kasabay ng pagsusumite ng referral nitong Miyerkules ng hapon, personal na dinala ng mga opisyal ng DPWH at ICI sa Ombudsman ang kahon-kahong dokumento at ebidensya.

Ayon kay ICI chairperson Andres Reyes Jr., lumalabas na may paglabag ang mga mambabatas sa Code of Conduct for Government Officials at sa Anti Graft and Corrupt Practices Act. Tinawag niya silang “congtractors” dahil sa pagiging congressman at sabay na pagmamay-ari ng mga construction firm na nakakuha ng mga kontratang pinondohan ng gobyerno.

Tinukoy din ni Reyes ang malinaw na conflict of interest dahil hindi dapat nagsisilbi bilang contractor ang mga mambabatas na bumubuo ng mga patakaran at naglalaan ng pondo para sa infrastructure projects.

Ito na ang ikalawang referral na inihain ng DPWH at ICI sa Ombudsman. Sa naunang referral, inirekomenda rin ang pagsasampa ng plunder, graft, at direct bribery laban kina Co at dating House Speaker at Leyte Rep. Martin Romualdez.

Author profile

Si Venus L Peñaflor ay naging editor-in-chief ng Newsworld, isang lokal na pahayagan ng Laguna. Publisher din siya ng Daystar Gazette at Tutubi News Magazine. Siya ay isa ring pintor at doll face designer ng Ninay Dolls, ang unang Manikang Pilipino. Kasali siya sa DesignCrowd sa rank na #305 sa 640,000 graphic designers sa buong daigdig. Kasama din siya sa unang Local TV Broadcast sa Laguna na Beyond Manila. Aktibong kasapi siya ng San Pablo Jaycees Senate bilang isang JCI Senator.