Tinatayang 23 OFWs ang apektado ng sunog sa Hong Kong high-rise, walang kumpirmadong casualty

0
1657

MAYNILA — Hindi bababa sa 23 Pilipino ang apektado ng malaking sunog sa isang high-rise residential complex sa Hong Kong na ikinamatay ng kulang kulang isangdaang residente, ayon sa Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) at Department of Foreign Affairs (DFA) nitong Huwebes.

Isa sa mga OFWs ay kasalukuyang naka-confine sa ospital matapos siyang mailigtas ng Hong Kong authorities kasama ang kanyang employer at isang sanggol.

Ayon kay OWWA Administrator Patricia Caunan, marami sa mga apektadong OFWs ang nawalan ng mahahalagang dokumento, kabilang ang passport at employment contract.

“Ang kanilang pangunahing alalahanin ay marami po sa kanila ang nasunugan ang passport at employment contract,” sabi ni Caunan.

Idinagdag niya na nasa lugar ang mga teams mula sa Department of Migrant Workers (DMW) at OWWA para magbigay ng tulong. “Kami po ay nakikipag-ugnayan nang malapit sa mga opisyal doon at sa komunidad ng mga Pilipino,” ani Caunan.

Naipamahagi na rin ang mga food packs at iba pang tulong sa mga apektado, at nakikipag-ugnayan ang ahensya sa mga pamilya sa Pilipinas na naghahanap ng impormasyon o hindi makontak ang kanilang mga kamag-anak sa Hong Kong.

Tinatayang 70 hanggang 80 na OFW ang nakatala sa address ng nasunog na lugar. “Sa ngayon, iniisa-isa po ng DMW-OWWA team para ma-mark safe ang ating mga kababayan,” sabi ni Caunan.

Ani DMW Secretary Hans Cacdac, kasalukuyang beripikado kung sino ang aktwal na naroroon sa oras ng sunog. “Ayaw din nating mag-panic nang husto ang pamilya dito sa Pilipinas dahil maaaring wala sila doon. Kailangan po nating tiyakin kung sila ay physically present doon,” dagdag niya.

Walang kumpirmadong Pilipinong nasawi o nasaktan, ayon sa DFA. Ang Philippine Consulate General sa Hong Kong ay nakipag-ugnayan sa MWO-HK at OWWA-HK upang magbigay ng tulong sa mga apektadong OFWs.

“Ipinagpaabot namin ang pasasalamat sa Hong Kong authorities sa pagtulong na matukoy, ma-assist, at maalagaan ang mga apektadong Pilipino,” sabi ng DFA.

Ang sunog, na itinuturing na pinakamalala sa dekada sa financial hub ng Tai Po, ay sumiklab noong Miyerkules ng hapon sa isang eight-building housing estate na may 2,000 apartment units. Ayon sa pulisya, tatlong lalaki ang inaresto dahil sa sunog matapos na ang mga flammable materials na naiwan sa maintenance work ay mabilis na kumalat at naging sanhi ng hindi makontrol na apoy.

Sa ospital, 56 na tao ang ginagamot, 16 kritikal, 24 seryoso, at 16 ay stable. Sa unang oras ng Huwebes, sinabi ni City Leader John Lee na 279 katao ang hindi pa natutunton, bagaman nakontak na ng mga bumbero ang ilan sa kanila. Mahigit 900 katao ang nagpunta sa mga pansamantalang shelter.

Author profile

Si Venus L Peñaflor ay naging editor-in-chief ng Newsworld, isang lokal na pahayagan ng Laguna. Publisher din siya ng Daystar Gazette at Tutubi News Magazine. Siya ay isa ring pintor at doll face designer ng Ninay Dolls, ang unang Manikang Pilipino. Kasali siya sa DesignCrowd sa rank na #305 sa 640,000 graphic designers sa buong daigdig. Kasama din siya sa unang Local TV Broadcast sa Laguna na Beyond Manila. Aktibong kasapi siya ng San Pablo Jaycees Senate bilang isang JCI Senator.