Pag-impound sa e-bikes at e-trikes na mahuhuli sa national highways ipagpapaliban sa Enero 2, ayon sa LTO

0
275

MAYNILA — Ipinagpaliban ng Land Transportation Office (LTO) hanggang Enero 2, 2026 ang pagpapatupad ng pag-i-impound ng mga electronic vehicles tulad ng e-bikes at e-trikes na mahuhuling bumibiyahe sa national highways.

Ayon kay LTO chief Markus Lacanilao sa isang video statement nitong Linggo, ipinagpaliban ang “strict enforcement” ng crackdown na nakatakdang magsimula sana ngayong Lunes, Disyembre 1.

Sa halip na agad kumpiskahin ang mga naturang sasakyan, magsasagawa muna ang LTO ng information drive upang ipaalam sa mga may-ari na bawal pa rin silang gumamit ng national roads.

“In response to public complaints, I would like to clarify that our President Bongbong Marcos and [acting Transportation] Secretary Giovanni Lopez have heard your concerns. Therefore, there will be no impounding operation for the time being while we implement a comprehensive information drive to give everyone enough time to understand and comply with the existing regulations,” ani Lacanilao.

Dagdag pa niya, “We will come out with guidelines and an information campaign to explain where LEVs (Light Electric Vehicles) are allowed to operate.”

Ayon kay Lacanilao, layunin ng LTO na hindi abalahin ang publiko kundi masiguro na ligtas, maayos, at may malinaw na responsibilidad ang lahat ng gumagamit ng kalsada, kabilang ang mga gumagamit ng e-bikes, e-trikes, at iba pang LEVs.

Kamakailan ay inanunsyo ng LTO ang pagbabawal sa e-bikes at e-trikes sa national highways dahil sa pagdami ng aksidente na kinasasangkutan ng mga electric vehicles. Layunin nito na masiguro ang kaligtasan ng lahat sa kalsada.

Author profile

Si Venus L Peñaflor ay naging editor-in-chief ng Newsworld, isang lokal na pahayagan ng Laguna. Publisher din siya ng Daystar Gazette at Tutubi News Magazine. Siya ay isa ring pintor at doll face designer ng Ninay Dolls, ang unang Manikang Pilipino. Kasali siya sa DesignCrowd sa rank na #305 sa 640,000 graphic designers sa buong daigdig. Kasama din siya sa unang Local TV Broadcast sa Laguna na Beyond Manila. Aktibong kasapi siya ng San Pablo Jaycees Senate bilang isang JCI Senator.