ICI Tatagal ng 2 buwan; Marcos iniutos ang pagsubaybay kay Sarah Discaya

0
346

MAYNILA – Inihayag ni Ombudsman Jesus Crispin Remulla na tatagal na lamang nang isa hanggang dalawang buwan ang operasyon ng Independent Commission for Infrastructure o ICI. Pagkatapos nito, ililipat sa Office of the Ombudsman ang lahat ng findings kaugnay ng umano’y iregularidad sa mga proyektong pang flood control ng pamahalaan.

Ayon kay Remulla, malinaw ang direksyon na tapusin ang trabaho ng ICI dahil hindi ito permanenteng komisyon at umiiral ang batas na bumuo sa Office of the Ombudsman na aniya ay mas aktibo ngayon. Dagdag niya, malaking tulong sa kanilang imbestigasyon ang ebidensiyang isusumite ng ICI.

Kinumpirma rin ng Ombudsman na may mga indibidwal na “magpa Pasko sa kulungan” dahil sa mga natuklasan ng Ombudsman at Department of Justice sa nagpapatuloy na imbestigasyon. Malapit na rin umanong matapos ang preliminary investigation laban kina dating Senador Bong Revilla at Senador Jinggoy Estrada. Kapag nakumpleto na ang impormasyon, isusumite ito sa Sandiganbayan.

Sa susunod na taon, inaasahang dadagdagan ng Ombudsman ang bilang ng mga abogado upang tugunan ang lumalaking bilang ng mga kasong hinahawakan. Nilinaw rin ni Remulla na ang tanging mandato nila ay accountability nang tanungin hinggil sa hindi pagpasok ni Senador Bato dela Rosa sa Senado matapos lumabas ang impormasyon na mayroon siyang kopya ng arrest warrant mula sa ICC. Sinabi niya na unofficial ang naturang kopya at nasa ICC kung kailan ito ipatutupad.

Samantala, iniutos ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa Department of the Interior and Local Government at Philippine National Police na bantayan ang kinaroroonan ni Sarah Discaya at iba pang indibidwal na kakasuhan ng malversation at graft kaugnay ng P96.5 milyong ghost project sa Davao Occidental.

Sa isang video statement na ipinost sa Facebook, kinumpirma ng Pangulo na naghain ang Office of the Ombudsman ng kaso para sa malversation through falsification at paglabag sa RA 3019 o Anti Graft and Corrupt Practices Act. Binanggit niyang non bailable ang malversation at seryosong krimen ito dahil hindi maaaring pagbayaran ang agarang paglaya.

Ipinaliwanag ni Marcos na kapag naisampa na ang mga kaso sa korte, ang judiciary ang maglalabas ng arrest warrant para sa mga pinangalanang akusado. Kaya inatasan niya ang DILG at PNP na tiyakin ang eksaktong lokasyon ng mga ito upang maaresto kaagad sa sandaling lumabas ang warrant.

Nagbabala rin ang Pangulo na marami pang haharap sa kaso, at ito pa lamang umano ang simula. Aniya, marami pa ang “magpa Pasko sa kulungan.”

Batay sa imbestigasyon, ang proyekto ay ipinagkaloob sa St. Timothy Construction noong Enero 13, 2022 ngunit hindi ito naumpisahan kailanman. Walang nakitang anumang bakas ng konstruksyon sa site. Pineke umano ang final billing, certificate of completion at inspection reports, pati na ang mga video na isinumite ay hindi tumutugma sa aktuwal na kalagayan.

Sa isinagawang inspeksyon, inamin ni Davao Occidental district engineer Rodrigo Larete kay DPWH Secretary Vince Dizon na nabayaran ang St. Timothy Construction Corp. ng P96.5 milyon noong October 2022. Kabilang sa pinangalanan sa kaso sina Discaya at Maria Roma Angeline D. Rimando mula sa St. Timothy Construction, gayundin sina Larete, assistant district engineer, Michael Awa at ilang section chiefs, project engineers at inspectors ng DPWH Davao Occidental District Engineering Office.

Inaasahang ihahain ang mga kaso sa Regional Trial Court sa Digos City, Davao del Sur.

Author profile

Si Venus L Peñaflor ay naging editor-in-chief ng Newsworld, isang lokal na pahayagan ng Laguna. Publisher din siya ng Daystar Gazette at Tutubi News Magazine. Siya ay isa ring pintor at doll face designer ng Ninay Dolls, ang unang Manikang Pilipino. Kasali siya sa DesignCrowd sa rank na #305 sa 640,000 graphic designers sa buong daigdig. Kasama din siya sa unang Local TV Broadcast sa Laguna na Beyond Manila. Aktibong kasapi siya ng San Pablo Jaycees Senate bilang isang JCI Senator.