SPPF: Tinig ng masa, diwa ng komunidad sa San Pablo

0
457

Magpapasko noong 2018, habang naiinip si Dong Fullo, napansin niya ang maduming public CR, magulo at walang sistemang mga paradahan, mabahong public parking space, at mga pedestrian lane na puno ng vendors. Tulad ng maraming tao, gusto niyang magreklamo para sa pagbabago, ngunit sino nga ba ang lalapitan? Ano ba ang puwedeng gawin? Sa halip na kalimutan na lang ang mga ito nag‑post si Dong ng simpleng mensahe sa Facebook, isang paanyaya para sa mga taga‑San Pablo na magsalita, magreklamo, at magbahagi ng problema, malaking man o maliit. At doon nagsimula ang San Pablo Public Forum (SPPF), isang social media/Facebook page.

Sa una, kaunti lang miyembro nito. Hindi masyadong marami ang shares at comments. Ngunit unti‑unti, dahil sa totoo at relatable ang mga reklamo, lumago ang forum at nagsimulang lumakas ang boses ng ordinaryong San Pableño. Ngayon, ang SPPF ay hindi lang basta page. Ito ngayon ay isa ng social media “pulis” at tulong‑center. Dito dumudulog ang mga tao para i-report ang mga missing persons at missing pets, mga nawawalang wallet o mobile phones, mga reklamo laban sa abusadong trike driver o motorista, paghahanap ng trabaho o serbisyo at delivery riders, babala sa komunidad tulad ng trapiko, baha, basura, at iba pang public safety issues. Dito rin ginaganap ang mga diskusyon tungkol sa mga palpak na kalye, ilaw, drainage, at bakanteng lote na puno ng basura. Para sa maraming tao, lalo na sa mga walang kakilala sa gobyerno o natatakot magsumbong, ang SPPF ang naging “taong kausap” at “sumbungan.”

Bukod dito, bukas din ang SPPF para ipahayag ang kanilang opinyon, hinaing, at mga saloobin. Nagkaroon sila ng platform para makialam, sumali at makipagbalitaktakan tungkol sa pulitika. Iginigisa dito ang mga trapo at mga tiwaling public officials. Kahit magkakaiba ang pananaw, nagkakaroon ng pagkakataon ang bawat San Pableño na marinig at maiparating ang kanilang boses at mga obserbasyon.

Sa isang panayam, inamin mismo ni Dong Fullo na hindi siya palaging naging mabuting tao noon. “Hindi talaga ako maayos noon,” sabi niya. Ngunit nang masaksihan niya ang kawalan ng serbisyo at malasakit sa kanyang paligid, naisip niya, kung may isang paraan para makagawa ng tama, bakit hindi niya subukan? Ang simpleng Facebook forum na ito ang nagbukas sa kanya ng pagkakataong maglingkod at magbago. Sa paglipas ng mga taon, naging aktibong Kristiyano si Dong. Ang kanyang pananampalataya ngayon ay nagpapalakas sa kanyang dedikasyon; hindi lang siya nagtatag ng forum, ginagamit niya ito bilang plataporma ng kabutihan at malasakit sa kapwa San Pableño.

Malaki ang naging papel ng SPPF bilang isang support and assistance network. Mula sa seryosong kwento ng mga nawala at muling natagpuan na bata o matatanda, hanggang sa mga post ng “nakalimutang wallet sa tricycle o jeep” o “nawawala ang aso ko, missing po ang cat ko. May mga kwento ng pamilya na nag‑reunite, pet owners na muling nakasama ang kanilang alaga, may mga driver na nagsauli ng nawawalang wallet, may nag‑refer ng murang karpintero, at may tumulong sa mga nasiraan sa kalye. May mga nagalit, may matapang na napalaban ng away at meron ding mga nagkausap at nagkaintindihan. Nagkaroon ng sense of community, hindi lang para sa sarili, kundi para sa lahat.

Lumampas na sa pagiging rant page ang SPPF. Para sa marami, ito ang unang lugar na naiisip nilang puntahan kapag may problema, lalo na kung maliit, personal, at walang ibang mapagsusumbungan. Sa gitna ng modernong problema ng urbanisasyon, trapiko, basura, at kahirapan, naging salamin ang SPPF ng tunay na boses ng masa. Ang tanong ngayon ay kung hanggang kailan magpapatuloy ang responsibilidad ng ordinaryong tao at ang matapang na boses ng masa? Sana, hindi lang sa oras ng krisis. Sana ay maging bahagi ng buhay ang magsalita, makinig, at tumulong. “Sana kapag may narinig tayong dumadaing o nangangailangan, sana ay lagi tayong handang tumulong sa loob man o labas ng SPPF,” ayon kay Follo.

Para sa maraming San Pableño, salamat, SPPF. Sana ay magpatuloy at higit pang lumakas ang tinig. Nawa ay maging gabay at inspirasyon ito sa komunidad, at patuloy na magsilbing tulay para sa malasakit at pagtutulungan sa mahabang panahon. At para kay Dong Fullo, napatunayan niya na ang pagbabago at kabutihan ay posible, at ang simpleng pagkilos at dedikasyon ay kayang magdala ng positibong epekto sa buhay ng marami.

Sa kanyang sariling salita, Dong Fullo ay nagpadala rin ng mensahe sa lahat ng miyembro: “Sa mga kasama ko noong unang mga taon ng SPPF, taos‑puso ang aking pasasalamat. Hindi ko mararating ang ganitong tagumpay kung wala kayo sa simula, sa pagtulong at sa pagtitiwala na magtatag tayo ng isang plataporma para sa ating komunidad. Idinadalangin ko na patuloy na maging tulong ang SPPF sa lahat, at nawa’y matutunan nating lahat na maging maingat, mapagmalasakit, at responsive sa pangangailangan at karapatan ng bawat isa, kahit wala na ang SPPF. Ang mahalaga ay tuloy‑tuloy ang malasakit at pagkakaisa sa ating komunidad, sa maliit man o malaking paraan.”

CoHosts Bong Torres at Nikko Silvestre, kasama si Dong Fullo ng San Pablo Public Forum, sa masayang patimpalak sa pagkanta na inorganisa ng SPPF at ginanap sa SM.
Sinaksihan ng mga retired teachers ng San Pablo City ang singing contest na inorganisa ng San Pablo Public Forum sa SM. Nag-enjoy sila sa talento at sigla ng mga kalahok habang nagbabalik-tanaw sa kanilang sariling karera sa pagtuturo.
Kasama sina City Councilors John Adajat at Barbie Diaz at ang mga SPPF moderators na sina Hyacinth Bibe at Brian Salamat sa makulay na patimpalak sa pagkanta na inorganisa ng San Pablo Public Forum sa SM kasabay ng ika-pitong taong anibersaryo ng SPPF.
Author profile

Si Venus L Peñaflor ay naging editor-in-chief ng Newsworld, isang lokal na pahayagan ng Laguna. Publisher din siya ng Daystar Gazette at Tutubi News Magazine. Siya ay isa ring pintor at doll face designer ng Ninay Dolls, ang unang Manikang Pilipino. Kasali siya sa DesignCrowd sa rank na #305 sa 640,000 graphic designers sa buong daigdig. Kasama din siya sa unang Local TV Broadcast sa Laguna na Beyond Manila. Aktibong kasapi siya ng San Pablo Jaycees Senate bilang isang JCI Senator.