Revilla, posibleng arestuhin bago magpasko; case build-up ikinakasa vs Escudero, Binay — Remulla

0
375

MAYNILA — Baka mag-Pasko sa kulungan si dating Senador Ramon “Bong” Revilla Jr. dahil sa posibleng pag-aresto sa susunod na linggo, ayon kay Ombudsman Jesus Crispin Remulla.

Ito ay kaugnay sa rekomendasyon ng Independent Commission for Infrastructure (ICI) na magsagawa ng case build-up laban kay Revilla kaugnay ng flood control scandal. Ayon kay Remulla, may sapat nang ebidensya na nag-uugnay sa dating senador matapos ang testimonya nina dating Public Works Undersecretary Roberto Bernardo at Bulacan District Engineer Henry Alcantara.

“Posible. Baka next week. ‘Yan ang low-hanging fruit tsaka matagal na lumabas at iniimbestigahan,” ani Remulla sa panayam sa ANC.

Aniya, pinag-aaralan ng Office of the Ombudsman ang posibleng pagsasampa ng kasong malversation at plunder laban kay Revilla, ngunit hindi pa tiyak ang kasalukuyang stage ng preliminary investigation.

Magugunitang sinabi ni Bernardo na naghatid siya ng P125 milyon sa bahay ni Revilla noong Disyembre 2024, at iniutos pa umano ang paghahatid ng karagdagang P250 milyon bago magsimula ang campaign period para sa eleksyon 2025, bagay na itinanggi ni Revilla.

Kaugnay nito, nagsasagawa na ang Ombudsman ng case build-up laban sa ilang high-profile officials na nasasangkot sa flood control issue, kabilang sina Sen. Francis “Chiz” Escudero at dating Sen. Nancy Binay.

Ayon kay Remulla, ito ay tugon sa rekomendasyon ng ICI na magsagawa rin ng case build-ups laban kina Sen. Mark Villar at dating Sen. Grace Poe dahil sa bigat ng alegasyon.

“We are doing the case build-up, we’re doing preliminary work, we are doing everything that needs to be done. So I’d rather stop there regarding his (Escudero) case,” ani Remulla.

Aniya, araw-araw silang nakakatanggap ng impormasyon at hindi maaaring ibahagi ang mga detalye upang hindi maapektuhan ang pagsisiyasat. Kasalukuyan rin ang ebalwasyon at case build-up laban kina Binay at Escudero batay sa mga natanggap na ebidensya hinggil sa kanilang posibleng pagkakasangkot.

Author profile

Si Venus L Peñaflor ay naging editor-in-chief ng Newsworld, isang lokal na pahayagan ng Laguna. Publisher din siya ng Daystar Gazette at Tutubi News Magazine. Siya ay isa ring pintor at doll face designer ng Ninay Dolls, ang unang Manikang Pilipino. Kasali siya sa DesignCrowd sa rank na #305 sa 640,000 graphic designers sa buong daigdig. Kasama din siya sa unang Local TV Broadcast sa Laguna na Beyond Manila. Aktibong kasapi siya ng San Pablo Jaycees Senate bilang isang JCI Senator.