Magkapatid na whistleblowers, State witnesses na; Atong Ang, walang special treatment ayon sa Palasyo

0
289

MAYNILA – Inilagay na bilang state witnesses sa ilalim ng Department of Justice (DOJ) Witness Protection Program (WPP) si whistleblower Julie “Dondon” Patidongan at ang kanyang kapatid na si Ellakim sa ilang kaso kaugnay ng mga nawawalang sabungero o cockfight enthusiasts.

Sa isang 120-pahinang resolusyon, nilinis ng DOJ sina Patidongan at Ellakim sa mga kasong isinampa laban sa kanila kaugnay ng reklamo ng pamilya ng mga nawawalang sabungero.

“[T]he DOJ dismissed the charges against Patidongan and Ellakim Patidongan as they have been admitted as state witnesses by the DOJ Witness Protection Program,” ayon sa panel ng mga prosecutors.

Ang reklamo ay may kinalaman sa serious illegal detention at multiple murder, kabilang pa ang iba.

Ayon kay Justice spokesperson Polo Martinez, hindi na isasama sina Patidongan at Ellakim sa impormasyong isinumite sa korte.

Ngunit si Patidongan ay nananatiling respondent sa isang kasong kidnapping at serious illegal detention sa Manila court para sa umano’y pagdukot kina John Claude Inonog, James Baccay, Marlon Baccay, Rondel Cristorum, Mark Joseph Velasco, at Rowel Gomez. Ito ay hiwalay na kaso, ayon kay Martinez.

“Procedurally, as to that case, he is not automatically discharged,” dagdag niya.

Ayon sa Rules of Criminal Procedure, maaaring i-discharge ng regional trial court ang isa o higit pang akusado sa isang kaso sa pamamagitan ng mosyon ng prosecution at may pahintulot ng akusado, upang maging state witness. Kailangan ng prosecution na ipresinta ang ebidensya at sworn statement ng bawat state witness. Kapag na-discharge ang akusado, itinuturing itong acquittal.

Sa isang hiwalay na ruling, nakita ng DOJ na may prima facie evidence na may reasonable certainty of conviction para kasuhan si businessman Charlie “Atong” Ang at 21 iba pa ng kidnapping with homicide at/o kidnapping with serious illegal detention.

Pinasya naman ng panel na i-dismiss ang reklamo laban kay actress Gretchen Barretto, dating NCRPO chief retired Police General Jonnel Estomo, at mga anak at kamag-anak ni Ang.

Walang Special Treatment kay Atong Ang – Palasyo

Kaugnay nito, sinabi ng Palasyo na walang special treatment para kay Ang, matapos makitaan ng DOJ ng prima facie evidence sa kasong kidnapping with homicide kaugnay ng mga nawawalang sabungero.

Ayon kay Palace Press Officer Atty. Claire Castro, nais ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na maisampa ang kaso batay sa ebidensiya. Hindi aniya suportado ni Pangulong Marcos ang agarang pag-iimbestiga kung walang sapat na ebidensiya upang hindi maapektuhan ang inosenteng indibidwal.

Dagdag pa ni Castro, nasa kamay na ng korte ang kaso ni Ang, kaya mahirap magspekula na bibigyan siya ng special treatment.

Author profile

Si Venus L Peñaflor ay naging editor-in-chief ng Newsworld, isang lokal na pahayagan ng Laguna. Publisher din siya ng Daystar Gazette at Tutubi News Magazine. Siya ay isa ring pintor at doll face designer ng Ninay Dolls, ang unang Manikang Pilipino. Kasali siya sa DesignCrowd sa rank na #305 sa 640,000 graphic designers sa buong daigdig. Kasama din siya sa unang Local TV Broadcast sa Laguna na Beyond Manila. Aktibong kasapi siya ng San Pablo Jaycees Senate bilang isang JCI Senator.