MAYNILA — Arestado na ang kontratistang si Sarah Discaya kaugnay ng P96.5 million ghost flood control project sa Davao Occidental, matapos isilbi ang warrants of arrest laban sa kanya at sa pangulo ng St. Timothy Construction Corp. na si Roma Rimando, na kapwa nahaharap sa kasong malversation at graft.
Pormal na sinilbihan ng National Bureau of Investigation ang warrant of arrest kay Discaya Huwebes ng gabi. Biyernes ng hapon ay inilipat na siya patungong Cebu mula sa Ninoy Aquino International Airport, na ineskortan ng mga ahente ng NBI.
Sa inilabas na video ng NBI, makikitang pinasuot si Discaya ng dilaw na t-shirt na may markang NBI AOTCD detainee habang isinasagawa ang mga kinakailangang proseso.
Si Rimando naman ay sinilbihan din ng warrant of arrest noong Huwebes ng gabi habang nasa kustodiya ng Philippine National Police. Nauna siyang boluntaryong sumuko noong Disyembre 8 at pansamantalang nanatili sa tanggapan ng NBI sa Pasay City bago dinala sa NBI detention facility sa Muntinlupa City.
Ayon sa Pasig Police, pansamantalang ikinulong si Rimando sa Pasig City Police Station habang hinihintay ang commitment order mula sa Lapu-Lapu City RTC para sa kanyang pagbiyahe patungong Cebu.
“Noong December 8, nag-voluntary surrender na ang akusado natin, sinamahan ng kanyang abogadong si Atty. Cornelio Samaniego III. Dito na muna siya tumuloy while waiting for the issuance of the warrant of arrest. Kanina dumating na, sinerve na namin,” ayon kay Pasig City Police Station chief P/Colonel Hendrix Mangaldan.
Dumaan na rin si Rimando sa standard operating procedures ng pulisya, kabilang ang pagkuha ng mugshots, booking process, at medical examination.
Ang kasong malversation of public funds ay isang non-bailable offense, kaya hindi maaaring palayain ng pansamantala ang mga akusado.
Si Venus L Peñaflor ay naging editor-in-chief ng Newsworld, isang lokal na pahayagan ng Laguna. Publisher din siya ng Daystar Gazette at Tutubi News Magazine. Siya ay isa ring pintor at doll face designer ng Ninay Dolls, ang unang Manikang Pilipino. Kasali siya sa DesignCrowd sa rank na #305 sa 640,000 graphic designers sa buong daigdig. Kasama din siya sa unang Local TV Broadcast sa Laguna na Beyond Manila. Aktibong kasapi siya ng San Pablo Jaycees Senate bilang isang JCI Senator.






