Blunt force trauma ang ikinamatay ni Cathy Cabral, wala pang palatandaan ng foul play

0
343

MAYNILA — Napag alaman sa paunang resulta ng autopsy na namatay sa blunt force trauma ang dating DPWH undersecretary na si Ma. Catalina “Cathy” Cabral, ayon kay Interior and Local Government Secretary Jonvic Remulla.

Iniutos ni Remulla ang agarang autopsy sa mga labi ni Cabral matapos tukuyin ang mga naging lapses sa operasyon ng lokal na awtoridad sa Tuba, Benguet, at gamitin ang kapangyarihan ng Philippine National Police.

Ayon kay Remulla, malinaw sa initial findings ang mga tinamong pinsala ni Cabral. “The initial reports show that with all certainty that she died of blunt force trauma. So ang nakita namin ay basag dito, right side of face niya, likod ng ulo, ang ribs niya ay pumasok sa internal organs at bali yung kanyang mga paa,” aniya noong Sabado.

Dagdag pa niya, wala umanong nakitang senyales ng pakikipaglaban o pananakit. “So wala kaming nakitang signs of struggle sa kotse, walang nakita sa skin cells sa ilalim ng fingernails, at wala ring gunshot wounds ang nakita so far,” sabi ni Remulla.

Batay rin sa backtracking ng CCTV footage sa hotel na tinuluyan ni Cabral, mag-isa umano itong pumasok at umalis. “So far, no signs of foul play,” pahayag ni Remulla.

Ikinuwento rin ng kalihim na bandang alas-otso ng umaga ay nakita si Cabral sa lugar kung saan umano siya tumalon. “Ang interesting doon, at 8 o’clock in the morning, nauna siyang dumaan doon sa spot kung saan siya tumalon, tumigil na siya roon nung umaga pa lang, at tumitingin na siya roon pababa, tapos nakita siya ng police, pinaalis siya,” ayon kay Remulla.

Pagkatapos nito, umakyat umano si Cabral sa Baguio City at nagtungo sa Ion Hotel. “Mag-isa siyang pumasok ng kwarto, an hour later, bumaba siya, tapos sabi sa driver niya alis na tayo, saka niya kinuha yung buhay niya,” dagdag pa ng kalihim.

Kinumpirma rin ni Remulla na pumayag ang asawa ni Cabral na isumite ang mobile phone nito para sa pagsusuri. Noong tinanong tungkol sa posibilidad ng tampering, sinabi ni Remulla na sasailalim ito sa forensic analysis. “May forensics analysis naman yan so hindi mo pwedeng matanggal lahat yan,” aniya.

Si Cabral ay namatay noong Huwebes ng gabi matapos umanong mahulog sa malalim na bangin sa kahabaan ng Kennon Road sa Tuba, Benguet.

Nauugnay si Cabral sa umano’y pagbibigay ng “allocables” o mga proyektong isiningit sa National Expenditure Program para sa ilang mambabatas, isang iskema na ginamit umano sa katiwalian na umabot sa bilyong piso sa mga nagdaang taon.

Nauna dito, sinabi ng PNP na ang driver ni Cabral, na huling nakitang kasama niya, ay itinuturing na person of interest sa kaso. Ayon sa pulisya, sasailalim ang driver sa hanggang 36 oras na pagsusuri upang linawin ang mga pangyayari at tukuyin ang posibleng papel nito sa pagkamatay ni Cabral.

Sinabi naman ni Acting PNP Chief Police Lt. Gen. Jose Melencio Nartatez Jr. na ang ilang kilos ng driver, tulad ng pag-iwan sa kanyang amo sa isang liblib na lugar nang wala ang mobile phone at bag nito, ay taliwas umano sa “human nature.”

Author profile

Si Venus L Peñaflor ay naging editor-in-chief ng Newsworld, isang lokal na pahayagan ng Laguna. Publisher din siya ng Daystar Gazette at Tutubi News Magazine. Siya ay isa ring pintor at doll face designer ng Ninay Dolls, ang unang Manikang Pilipino. Kasali siya sa DesignCrowd sa rank na #305 sa 640,000 graphic designers sa buong daigdig. Kasama din siya sa unang Local TV Broadcast sa Laguna na Beyond Manila. Aktibong kasapi siya ng San Pablo Jaycees Senate bilang isang JCI Senator.