Isinuko ng DPWH sa Ombudsman ang 10 taong files at computers ni Cabral

0
252

MAYNILA – Isinuko ng Department of Public Works and Highways (DPWH) noong Martes ang lahat ng computers at files ng yumaong dating undersecretary na si Maria Catalina Cabral sa Office of the Ombudsman.

Sa pahayag ng DPWH, ang pagsuko ng mga files ay alinsunod sa Subpoena Duces Tecum ng Ombudsman na nag-uutos sa ahensiya na ilabas at isumite ang lahat ng computers at devices na opisyal na ipinagkaloob kay Cabral habang siya ay nasa serbisyo.

Ayon sa DPWH, kabilang sa mga isinumiteng dokumento ang mga papeles at iba pang requests for consideration sa programming ng National Expenditure Program (NEP) sa nakalipas na 10 taon, bukod pa sa iba pang files.

Personal na inihatid sa Ombudsman ang mga computers at files ni Cabral ng mga DPWH undersecretaries na sina Nicasio Conti, Arthur Bisnar, Ricardo Bernabe III, at Charles Calima Jr.

Sa hiwalay na pahayag, sinabi ni Assistant Ombudsman Mico Clavano na ang Central Processing Unit at mga files ni Cabral ay selyado na at nasa kustodiya na ng Office of the Ombudsman.

“It will remain sealed until we are able to do a digital forensic test,” ayon kay Clavano.

Tinanong kung patuloy pa ring kinukuha ng Ombudsman ang mobile phone ni Cabral, sinabi ni Clavano na ito ay nasa saklaw ng Philippine National Police (PNP), subalit iginiit na may malinaw na interes ang Ombudsman sa nasabing cellphone.

Si Cabral, na iniugnay sa mga maanomalyang flood control projects, ay natagpuang “unconscious and unresponsive” noong Disyembre 18 sa layong 20 hanggang 30 metro sa ibaba ng isang highway, ilang oras matapos umano niyang utusan ang kanyang driver na iwan siya sa isang bahagi ng Kennon Road sa Tuba, Benguet.

Idineklara siyang patay makalipas ang hatinggabi ng Disyembre 19.

Ayon kay Interior Secretary Jonvic Remulla, sinuri umano ni Cabral ang bangin sa Tuba, bagay na maaaring magpahiwatig ng “seriousness of the intent” na tumalon upang magpakamatay.

Gayunman, sinabi ng PNP na bagamat may ilang ebidensiyang nagtuturo sa posibilidad ng suicide, patuloy pa rin ang imbestigasyon at wala pang pinal na konklusyon.

Nagbitiw sa puwesto si Cabral noong Setyembre matapos masangkot ang DPWH sa mga imbestigasyon ng Kongreso kaugnay ng umano’y mga anomalya sa flood control projects, kabilang ang mga alegasyon ng kickbacks na kinasasangkutan ng ilang mambabatas at opisyal ng gobyerno.

Nauna nang sinabi ng Independent Commission for Infrastructure (ICI) na iimbitahan sana si Cabral, na dating DPWH undersecretary for planning, bilang resource person sa isinasagawa nitong imbestigasyon sa umano’y ghost at substandard flood control projects.

Author profile

Si Venus L Peñaflor ay naging editor-in-chief ng Newsworld, isang lokal na pahayagan ng Laguna. Publisher din siya ng Daystar Gazette at Tutubi News Magazine. Siya ay isa ring pintor at doll face designer ng Ninay Dolls, ang unang Manikang Pilipino. Kasali siya sa DesignCrowd sa rank na #305 sa 640,000 graphic designers sa buong daigdig. Kasama din siya sa unang Local TV Broadcast sa Laguna na Beyond Manila. Aktibong kasapi siya ng San Pablo Jaycees Senate bilang isang JCI Senator.