DPWH leaks: VP Sara isinasangkot sa umano’y P1B insertion

0
228

MAYNILA — Dapat umanong isama sa imbestigasyon ng Independent Commission for Infrastructure (ICI) si Vice President Sara Duterte kaugnay ng umano’y P1 bilyong “insertion” sa budget ng Department of Public Works and Highways (DPWH).

Ito ang pahayag ni House Deputy Minority Leader at ACT Teachers Party-list Rep. Antonio Tinio matapos lumabas ang tinaguriang “DPWH leaks,” na naglalaman umano ng mga dokumentong nag-uugnay kay Vice President Duterte, Davao City Rep. Paolo Duterte, dating Presidential Spokesperson Harry Roque, at iba pang matataas na opisyal sa mga alokasyon ng DPWH noong administrasyon ni dating Pangulong Rodrigo Duterte.

Ayon kay Tinio, hindi umano maaaring “magmalinis” ang Bise Presidente sa isyu ng pagsisingit ng pondo sa DPWH budget. Aniya, may mga proyektong umano’y ipinasok si Duterte sa ahensiya noong siya ay alkalde pa ng Davao City na dapat ding panagutan at siyasatin.

“Sa wakas, may lumabas na ring impormasyon mula sa DPWH tungkol sa mga alokasyon at singit sa budget sa panahon ng Duterte administration. Hindi pwedeng magmalinis si Vice President Sara Duterte dahil meron din siyang maraming singit na proyekto sa DPWH bilang dating mayor ng Davao na dapat niyang panagutan at dapat ding imbestigahan,” pahayag ni Tinio.

Batay sa ulat, may 16 line items na tinatayang nagkakahalaga ng P1 bilyon ang mga proyektong hiniling umano ni Vice President Duterte na maisama sa 2020 DPWH budget noong siya ay mayor pa ng Davao City.

Hiwalay pa umano ito sa P51 bilyong alokasyon na sinasabing napunta kay Rep. Paolo Duterte, na ayon kay Tinio ay una nang kinumpirma ng yumaong DPWH Undersecretary Cathy Cabral.

Dagdag pa ng mambabatas, hindi na umano kataka-taka kung malaki ang nakuhang alokasyon ng pamilya Duterte at ilang opisyal ng Malacañang, kabilang si Roque, noong nasa poder ang administrasyon ni dating Pangulong Duterte. Sa panahong ito, aniya, nagsimula ang tinawag niyang “walang kapantay na pandarambong” sa DPWH budget.

“Totoong nagsimula ang walang kapantay na pandarambong sa DPWH budget sa panahong ito kaya dapat lang na saklawin ng imbestigasyon ang mga taong 2016 hanggang 2022 at panagutin din ang mga opisyal sa panahong iyon,” ayon pa kay Tinio.

Ang mga impormasyong ito ay nagmula umano sa “DPWH leaks,” na binubuo ng mga dokumentong naglalaman ng listahan ng mga proponent o sponsor ng mga proyektong isinasama sa budget proposal ng ahensiya.

Nabatid na pawang road projects ang tinutukoy na line items, kung saan 15 ang matatagpuan sa Davao City at isa sa Davao del Sur. Mayroon din umanong 16 line item projects na iniuugnay kay Rep. Paolo Duterte na nagkakahalaga ng P764 milyon, kung saan 14 ang sinasabing naisama sa General Appropriations Act (GAA).

Samantala, dalawang proyekto umano sa apat ang nakapangalan kay Roque, na nagkakahalaga ng tig-P2 milyon bawat isa at matatagpuan sa Ifugao, Batangas, Cavite, at Laguna.

Sa ngayon, wala pang pahayag si Vice President Duterte at si Roque kaugnay ng isyu.

Sa panig ni Rep. Paolo “Pulong” Duterte, mariin nitong itinanggi ang alegasyon at iginiit na walang ghost projects sa Davao City. Ayon sa kanya, lahat ng proyekto mula 2020 hanggang 2022 ay naiimplementa nang maayos, all accounted, at sinertipikahan mismo ng DPWH bilang kumpleto na.

Author profile

Si Venus L Peñaflor ay naging editor-in-chief ng Newsworld, isang lokal na pahayagan ng Laguna. Publisher din siya ng Daystar Gazette at Tutubi News Magazine. Siya ay isa ring pintor at doll face designer ng Ninay Dolls, ang unang Manikang Pilipino. Kasali siya sa DesignCrowd sa rank na #305 sa 640,000 graphic designers sa buong daigdig. Kasama din siya sa unang Local TV Broadcast sa Laguna na Beyond Manila. Aktibong kasapi siya ng San Pablo Jaycees Senate bilang isang JCI Senator.