DILG: 4 retired PNP generals kunukupkop si Atong Ang, ‘Wag sumuko’ payo ng abogado

0
249

MAYNILA — Handang sampahan ng criminal case ng Department of Interior and Local Government (DILG) ang apat na retired generals na pinaniniwalaang tumutulong para itago ang negosyanteng si Charlie “Atong” Ang, ayon kay DILG Secretary Jonvic Remulla.

Sinabi ni Remulla na may matagal nang access sa mga awtoridad si Ang dahil ang kanyang mga bodyguards ay galing sa NBI o dating NBI mula 1988 hanggang 2022. Aniya, ginamit umano ang mga dating PNP at bodyguards ni Ang sa pagpatay sa mga “missing sabungeros,” dahilan para ituring siyang armed and dangerous habang hindi pa siya nahuhuli.

Iniimbestigahan na ng DILG ang apat na retired generals na malapit kay Ang noong kasagsagan ng kanyang sabong at e-sabong operations, na kasama rin nito sa sabong, palabas, at mga kainan. Ayon kay Remulla, may sapat na resources si Ang para bumili ng armas at armadong bodyguards, ngunit may hangganan ang loyalty ng mga nagtatago sa kanya dahil may pamilya rin sila.

‘Wag Kang Sumuko!’

Pinayuhan ng abogado ni Ang na si Atty. Gabriel Villareal, ang kanyang kliyente na huwag munang sumuko sa mga awtoridad habang hindi pa nagagamit ang lahat ng available legal remedies sa hukuman. Aniya, hindi dapat ilagay sa panganib si Ang sa pamamagitan ng pagsuko, at hindi pa rin siya dapat ikonsiderang kriminal dahil wala pang trial o declaration of guilt laban sa kanya.

“Bakit naman niya ipag­sasapalaran ang sarili niya sa pagsuko? Marami pa siyang natitirang judicial remedies. Hindi naman dapat siyang tinutugis na parang isang kriminal. Wala pa naman tayong trial at declaration of guilt para kay Mr. Ang,” paliwanag ni Villareal sa radyo.

Nauna rito, inisyuhan ng hukuman ng warrant of arrest si Ang at 17 iba pa kaugnay sa kasong kidnapping with homicide na may kinalaman sa “missing sabungeros.” Nabigo ang mga awtoridad na maaresto si Ang, kaya nag-alok ang DILG ng P10 milyong reward para sa sinumang makapagbibigay ng impormasyon sa kanyang kinaroroonan.

Author profile

Si Venus L Peñaflor ay naging editor-in-chief ng Newsworld, isang lokal na pahayagan ng Laguna. Publisher din siya ng Daystar Gazette at Tutubi News Magazine. Siya ay isa ring pintor at doll face designer ng Ninay Dolls, ang unang Manikang Pilipino. Kasali siya sa DesignCrowd sa rank na #305 sa 640,000 graphic designers sa buong daigdig. Kasama din siya sa unang Local TV Broadcast sa Laguna na Beyond Manila. Aktibong kasapi siya ng San Pablo Jaycees Senate bilang isang JCI Senator.