HONG KONG — Nailigtas ng mga awtoridad ang isang overseas Filipino worker (OFW) sa Hong Kong matapos kumalat sa social media ang isang video na nagpapakita ng umano’y pisikal na pananakit sa kanya ng kanyang amo.
Ayon sa ulat, makikita sa viral na video ang employer na marahas na hinihila ang buhok ng OFW, na nagbunsod ng agarang pagresponde ng Hong Kong Police. Kinausap ng mga pulis ang biktima, dinala sa ospital at sinuri.
Kinumpirma ng Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) na hindi muna ibinunyag ang pagkakakilanlan ng biktima para sa kanyang kaligtasan at privacy. Gayunman, sinabi ni Hong Kong Labor Attaché Cesar Chavez na ang OFW ay mula sa Bulacan.
Matapos ma-discharge mula sa ospital, kasalukuyang nanunuluyan ang OFW sa pansamantalang shelter ng Migrant Workers Office (MWO) sa Hong Kong, kung saan siya tumatanggap ng psychosocial support, legal assistance, at tulong-pinansyal mula sa OWWA.
Ayon kay OWWA Administrator Patricia Yvonne Caunan, beripikasyon pa ang isinasagawa kaugnay ng impormasyon na ang nanakit sa biktimang OFW ay kanyang alaga na may kondisyon sa mental health. Kasabay nito, patuloy ang imbestigasyon ng Hong Kong Police, habang tinutulungan ng isang abogado ang biktima sa paghahain ng pormal na reklamo laban sa kanyang employer.
“May malinaw na physical assault. Ngunit tinitingnan din namin ito bilang physical abuse, na itinuturing na paglabag sa kontrata sa ilalim ng Hong Kong labor laws,” pahayag ni Caunan.
Sa ilalim ng mga patakaran sa Hong Kong, ang mga domestic worker ay protektado ng Employment Ordinance at Standard Employment Contract, na nagtatakda ng karapatan sa ligtas na kondisyon sa trabaho, tamang sahod, sapat na pahinga, at proteksyon laban sa pang-aabuso. Ang sinumang employer na mapatunayang lumabag ay maaaring managot sa kasong kriminal at sibil, kabilang ang pagkansela ng karapatang kumuha muli ng dayuhang manggagawa.
Dagdag ng OWWA, patuloy nilang kinakausap ang OFW upang alamin kung nais niyang umuwi sa Pilipinas sa ilalim ng repatriation program ng pamahalaan o ipagpatuloy ang pagtatrabaho sa Hong Kong sa sandaling matiyak ang kanyang kaligtasan at maayos na kalagayan.
Samantala, muling nanawagan ang Philippine Consulate General at ang Migrant Workers Office sa mga OFW sa Hong Kong na agad mag-report ng anumang uri ng pang-aabuso sa kanilang 24/7 hotline at mga opisyal na tanggapan, upang mabilis na makapagbigay ng tulong at proteksyon ang pamahalaan.
Photo grabbed from the Facebook page of Bonnabelle Acuna
Si Venus L Peñaflor ay naging editor-in-chief ng Newsworld, isang lokal na pahayagan ng Laguna. Publisher din siya ng Daystar Gazette at Tutubi News Magazine. Siya ay isa ring pintor at doll face designer ng Ninay Dolls, ang unang Manikang Pilipino. Kasali siya sa DesignCrowd sa rank na #305 sa 640,000 graphic designers sa buong daigdig. Kasama din siya sa unang Local TV Broadcast sa Laguna na Beyond Manila. Aktibong kasapi siya ng San Pablo Jaycees Senate bilang isang JCI Senator.






