Online seller, namatay matapos ang cosmetic surgery sa Batangas; klinika kinasuhan

0
711

STO. TOMAS CITY, Batangas — Nasawi ang isang 24-anyos na babaeng online seller matapos umanong makaranas ng matinding komplikasyon kasunod ng isinagawang breast augmentation at arm liposuction sa isang aesthetic clinic sa Sto. Tomas City, Batangas, ayon sa ulat ng Police Regional Office 4A (PRO-4A) nitong Lunes.

Kinilala ng pulisya ang biktima sa alyas na “Angeline,” residente ng Barangay Sabang, Lipa City. Batay sa salaysay ng kanyang ina na si alyas “Rowena” at live-in partner na si alyas “Darius,” nagpa-procedure ang biktima sa Cinco Marias Aesthetic Clinic and Wellness Spa sa Barangay Poblacion 4, Sto. Tomas City noong Enero 8, 2026.

Ayon sa imbestigasyon, dakong alas-7:00 ng gabi nang isagawa ng isang alyas “Dr. Ruth” ang mga nasabing cosmetic procedure. Matapos ang operasyon, hindi agad pinauwi ang biktima at inobserbahan sa klinika dahil umano sa lumalalang kondisyon, kabilang ang patuloy na pagdurugo at panghihina.

Kinabukasan, dinala ang biktima sa Saint Cabrini Hospital at kalaunan ay inilipat sa Daniel Mercado Hospital sa Tanauan City dahil sa kakulangan ng Intensive Care Unit (ICU) sa unang ospital.

Noong Enero 10, 2026, dakong alas-6:02 ng umaga, idineklara ang biktima na patay ng attending physician na si Dra. Jean Pia Rizon. Ayon sa death certificate, ang sanhi ng pagkamatay ay hypovolemic shock at disseminated intravascular coagulation, mga kondisyong nagdulot ng matinding pagdurugo at pamumuo ng dugo na nakaapekto sa mahahalagang organs.

Sinampahan na ng reklamong Reckless Imprudence Resulting in Homicide ang nasabing alyas “Dr. Ruth,” habang patuloy na sinisiyasat ng pulisya kung may mga paglabag sa Medical Act of 1959 (Republic Act 2382) at kung rehistrado at lisensyado ang klinika at ang nagsagawa ng procedure.

Samantala, sinabi ng PRO-4A na nakikipag-ugnayan na sila sa Department of Health (DOH) at sa lokal na pamahalaan ng Sto. Tomas City upang beripikahin ang permit at accreditation ng naturang aesthetic clinic, pati na ang pagsunod nito sa mga health at safety standards.

Nagpaalala rin ang mga awtoridad sa publiko na tiyaking lisensyado at accredited ang mga doktor at pasilidad bago sumailalim sa anumang cosmetic o medical procedure, at agarang magtungo sa ospital kung makararanas ng hindi pangkaraniwang sintomas pagkatapos ng operasyon.

Author profile

Si Venus L Peñaflor ay naging editor-in-chief ng Newsworld, isang lokal na pahayagan ng Laguna. Publisher din siya ng Daystar Gazette at Tutubi News Magazine. Siya ay isa ring pintor at doll face designer ng Ninay Dolls, ang unang Manikang Pilipino. Kasali siya sa DesignCrowd sa rank na #305 sa 640,000 graphic designers sa buong daigdig. Kasama din siya sa unang Local TV Broadcast sa Laguna na Beyond Manila. Aktibong kasapi siya ng San Pablo Jaycees Senate bilang isang JCI Senator.