Upuan, mesang gawa sa kawayan, ipapamahagi sa mga paaralan mula Pebrero

0
232

MAYNILA — Magsisimulang makatanggap ng mga lamesa at upuang gawa sa kawayan ang mga pampublikong paaralan sa buong bansa simula Pebrero, bilang bahagi ng tuloy-tuloy na pagpapatupad ng 15-taong gulang na polisiya ng Department of Education (DepEd) na nag-uutos ng paggamit ng kawayan sa procurement ng school furniture.

Ayon sa DepEd, magpapamahagi sila ng 144,081 set ng learners’ tables and chairs at 3,235 set para sa mga guro mula Pebrero hanggang Marso 2026. Prayoridad sa pamamahagi ang mga paaralan na may sirang kasangkapan o kagamitan na hindi na magamit, na nakakaapekto sa pang-araw-araw na pag-aaral.

Ipinaiiral ng rollout ang Executive Order No. 879, series of 2010, na nagtatakda na hindi bababa sa 20% ng school furniture ay dapat gawa sa kawayan. Subalit, sa higit isang dekada, hindi ito tuluyang naipatupad.

“This policy has been around for a long time, almost 16 years. But now, we are finally giving it life. For the first time in history, we are able to implement the mandatory 20% bamboo allocation for school furniture,” ani Education Secretary Sonny Angara.

Ayon sa DepEd, ang mga kasangkapang kawayan ay gawa sa engineered bamboo, idinisenyo upang maging matibay, matatag sa iba’t ibang klima, at angkop para sa pangmatagalang gamit sa silid-aralan. Itinuturing din itong suporta sa sustainability agenda ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. at sa mga lokal na industriya at gawang Filipino.

“At DepEd, we want to show that school furniture can be durable, sustainable, and high quality for the benefit of our learners and teachers. This is also a good way to promote Filipino-made products and creativity,” dagdag ni Angara.

Batay sa ulat ng DepEd, kasalukuyang itinatayo ang 5,766 classrooms na nagkakahalaga ng P16.19 bilyon sa ilalim ng For Issuance of Special Allotment Release Order (FISARO) Batch 1. Kabilang dito:

  • 2,333 Learning Continuity Spaces (LCS) na nagkakahalaga ng P3.5 bilyon
  • 1,333 LCS sa ilalim ng Disaster Preparedness and Response Program (DPRP) na nagkakahalaga ng P2 bilyon
  • 800 classrooms para sa Last Mile Schools na nagkakahalaga ng P3 bilyon
  • 1,300 classrooms na may aprubadong Programs of Works na nagkakahalaga ng P3 bilyon

Naglaan din ang FISARO Batch 1 ng P3.69 bilyon para sa 24,424 teachers’ tables and chairs at 1,099,111 learners’ tables and chairs bilang tugon sa matagal nang kakulangan sa pasilidad sa mga paaralan sa buong bansa.

Samantala, ang FISARO Batch 2 ay nagbibigay ng P11.35 bilyon para sa pagkumpleto ng 2,067 classrooms, pag-aayos ng 11,886 classrooms, at restoration ng 258 Gabaldon school buildings, kasama ang karagdagang P500 milyon para sa konstruksyon at pagpapabuti ng School Health Facilities.

“Our vision this year is clear. We will continue to address facility shortages across the country. We will provide faster and more efficient solutions by maximizing the funds we have—for the sake of our teachers and learners,” ani Angara.

Author profile

Si Venus L Peñaflor ay naging editor-in-chief ng Newsworld, isang lokal na pahayagan ng Laguna. Publisher din siya ng Daystar Gazette at Tutubi News Magazine. Siya ay isa ring pintor at doll face designer ng Ninay Dolls, ang unang Manikang Pilipino. Kasali siya sa DesignCrowd sa rank na #305 sa 640,000 graphic designers sa buong daigdig. Kasama din siya sa unang Local TV Broadcast sa Laguna na Beyond Manila. Aktibong kasapi siya ng San Pablo Jaycees Senate bilang isang JCI Senator.