Medical mission para sa San Pablo, inilipat sa Cavite

0
583

Limang araw na libreng surgical mission sana ang papawi ng sakit at magdugtong ng buhay ng mga mahihirap na pasyente sa San Pablo City. Marami sa kanila ang walang kakayahang magbayad man lang ng sibida. Lalo pa nga para sa operasyon, optical, dental, at iba pang serbisyo.

Sa kasamaang palad, hindi natuloy ang medical-surgical-dental mission.

Ang Glendale Korean Adventist Medical Mission Team ay isang propesyonal at maaasahang grupo na bahagi ng tradisyon ng Korean Adventist medical missions. May mahigit isang siglo na ang kasaysayan ng Adventist medical work sa Korea, at ang mga misyon tulad nito ay karaniwang binubuo ng mga lisensyadong doktor, nurses, at iba pang health professionals na sanay sa international outreach. Kahit nabulilyaso ang kanilang misyon sa San Pablo dahil sa regulasyon, malinaw na ang grupo ay may kakayahan at malasakit na maghatid ng ligtas at maayos na medical service.

Sari-sari ang mga dahilan na lumutang kung bakit naekis ang medical outreach. May mga nagbubunton ng sisi sa LGU. Pinulitika daw. Isang executive assistant daw ni Mayor Najie Gapangada ang nagkulang kaya pumapalpak ang STP pero wala namang bitbit na ebidensya o resibo. May umuugong ding tsisimis na kapatid ni Vice Mayor Colago ang presidente ngayon ng San Pablo Medical Society kaya ang hugot ay ‘alam na this.”

Pati nga ang walang connect na punda at kumot sa LGU Hotel ay napagdiskitahan pa talaga.

Sa statement ng San Pablo Medical Society, ipinaliwanag nila na hindi pinayagan ang mga Korean doctors na magsagawa ng serbisyo o mag-share ng kanilang expertise dahil wala silang Special Temporary Permit (STP). Ito ‘yung dokumentong nagbibigay ng legal na pahintulot para sa mga foreign medical practitioners na magsagawa ng operasyon o medical activities sa Pilipinas. Tama naman. Mahalaga talaga ang STP dahil sinisiguro nito na ang mga foreign doctors ay sumusunod sa batas, ligtas ang mga pasyente, at may pananagutan kung may aberya. Ito daw ang dahilan kung bakit hindi sila pinayagan.

Sa madaling salita, nauwi sa kontrobersiya ang mabuting intensyon ng misyon. Ayon sa mga ulat at vlogs, ang mga dokumento para sa proyekto ay isinampa sa San Pablo Medical Society noong Enero 7. May sapat pa naman yatang panahon para tulungan at gabayan ang team sa paggawa ng STP, pero nanatiling mahigpit ang komite at tila hindi nag-alok ng alternatibo.

Dahil dito, ang misyon ay hindi nag push through sa San Pablo. Ang mga pasyenteng mahihirap na sana’y nakinabang sa libreng medical consultation, pediatrics, internal medicine, OB-Gyne, dermatology, mental health coaching, dental care, optical services, hanggang sa simpleng operasyon ay nadismaya.

May mga lumabas pang rumor na ilang matatagal nang doktor ang tumutol dahil ang limang araw na libreng operasyon ay maaaring makaapekto sa kanilang kita. Hindi kayang tunawin ito ng apdo kung paniniwalaan. Dahil kung totoo ito, mas pinili ng ilan ang sariling bulsa kaysa sa kapakanan at pangangailangan ng mga mahihirap na pasyenteng kababayan. Hindi naman siguro sila ganoon kaburaot.

E di waw. Nakakuha ba agad sila ng STP para sa Silang. Ganoon kabilis? Sana ol.

Sa kabutihang-palad, itutuloy ang misyon sa Silang, Cavite sa tulong ng STAMP (Southern Tagalog Association of Medical Practitioners), isang organisasyong kinabibilangan din ng San Pablo Medical Society. Libu-libo ang makikinabang sa libreng serbisyo doon mula January 27–30, 2026, kasama ang cataract surgery, lipoma/cyst removal, dental extractions, vision screening, at marami pang iba. Ang mga serbisyong ito dapat ay para sa San Pableño pero napadpad sa ibang lugar. Dahil dito, halo halo ang pakiramdam na umiral. Nanghinayang, nalungkot, nagalit at nasaktan ang lokal na komunidad ng Sanpy.

Hindi laging nasusukat sa papel o regulasyon ang taos na serbisyo sa komunidad. Nasasalamin ito sa pagtutulungan, malasakit, at tapang na ilagay ang kapakanan ng mahihirap bago ang lahat. Sana sa susunod, ang San Pablo Medical Society pati ang LGU ay maging katuwang at maging supportive at seryoso sa mga proyektong ganito.

Mahalaga ang buhay, kapakanan at pangangailangan ng mahihirap kaysa sa bulsa ng iilan o reputasyon ninuman. Hindi ito dapat nahahadlangan ng personal na interes o bureaucracy.

Hindi na siguro natin malalaman ang tunay na ugat kung bakit nagkaribok ang misyon sa San Pablo. Tiyak na walang aamin sa pagkakamali, pagkukulang o kalabisan. Diyos lang ang makakaalam kung ano ang totoo. Siya na lamang ang maghusga.

Whatsoever you do to the least of my brethren, that you do unto Me” – Matthew 25:40

Author profile

Si Venus L Peñaflor ay naging editor-in-chief ng Newsworld, isang lokal na pahayagan ng Laguna. Publisher din siya ng Daystar Gazette at Tutubi News Magazine. Siya ay isa ring pintor at doll face designer ng Ninay Dolls, ang unang Manikang Pilipino. Kasali siya sa DesignCrowd sa rank na #305 sa 640,000 graphic designers sa buong daigdig. Kasama din siya sa unang Local TV Broadcast sa Laguna na Beyond Manila. Aktibong kasapi siya ng San Pablo Jaycees Senate bilang isang JCI Senator.