MAYNILA — Tiniyak ng Bureau of Quarantine ng Department of Health (DOH-BOQ) nitong Sabado na wala pang naitatalang kaso ng Nipah virus sa Pilipinas, sa gitna ng pinaigting na pagbabantay sa mga international travelers na dumarating sa bansa.
Ayon kay BOQ Officer-in-Charge Dr. Roberto Salvador, 24/7 na ipinatutupad ang mahigpit na border surveillance at screening protocols sa lahat ng pantalan at paliparan. Nilagyan ang mga arrival concourse ng infrared thermal scanners upang agad matukoy ang mga pasaherong may mataas na temperatura.
“As of now, since the issue about Nipah [virus] rose, we haven’t monitored or intercepted the virus even from those arriving from the direct flight from India,” pahayag ni Salvador.
Dagdag niya, ang mga biyaherong nagmumula sa mga bansang may naiulat na kaso ng Nipah virus, kabilang ang India, ay sumasailalim sa karagdagang pagsusuri bilang bahagi ng enhanced monitoring measures ng ahensya.
Awtomatikong tutunog ang mga scanner kapag lumagpas sa 37.5 degrees Celsius ang temperatura ng pasahero. Mayroon ding mga spotter na manu-manong nagmamasid sa mga biyaherong maaaring may sugat o pantal.
Kapag kinakailangang i-refer para sa masusing obserbasyon, ang pasahero ay agad na dinadala sa mga itinalagang ospital ng DOH, kabilang ang Research Institute for Tropical Medicine (RITM).
Nauna nang inihayag ni DOH spokesperson Dr. Albert Domingo na wala ring na-detect na kaso ng Nipah virus ang Epidemiology Bureau, bagama’t may naitala nang mga insidente ng naturang virus sa bansa noong 2014.
Samantala, iniulat ng health ministry ng India noong Martes na may dalawang kumpirmadong kaso ng Nipah virus sa kanilang bansa, habang 196 na close contacts ang nagnegatibo matapos sumailalim sa pagsusuri.
Patuloy na hinihikayat ng DOH ang publiko na manatiling kalmado, sumunod sa mga health advisory, at agad na magpatingin sa pinakamalapit na health facility kung makararanas ng mga sintomas pagkatapos bumiyahe mula sa ibang bansa.
Si Venus L Peñaflor ay naging editor-in-chief ng Newsworld, isang lokal na pahayagan ng Laguna. Publisher din siya ng Daystar Gazette at Tutubi News Magazine. Siya ay isa ring pintor at doll face designer ng Ninay Dolls, ang unang Manikang Pilipino. Kasali siya sa DesignCrowd sa rank na #305 sa 640,000 graphic designers sa buong daigdig. Kasama din siya sa unang Local TV Broadcast sa Laguna na Beyond Manila. Aktibong kasapi siya ng San Pablo Jaycees Senate bilang isang JCI Senator.






