Tig-dalawang impeachment complaint laban kay PBBM at VP Sara, umusad sa House Committee on Justice

0
252

MAYNILA — Idineklara ng House Committee on Justice na “sufficient in form” ang dalawang impeachment complaint na inihain laban kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr., matapos ang botong 46 pabor, isang tutol, at isang abstention para sa unang reklamo, at 35 pabor, siyam kontra, at isang abstention para sa ikalawang reklamo.

Ayon kay Justice Committee Chairperson at Batangas Rep. Gerville Luistro, ang unang reklamo ay inihain ni Atty. Andre de Jesus at inendorso ni House Deputy Minority Leader at Pusong Pinoy Partylist Rep. Jernie Jett Nisay.

“With 46 votes in favor, one vote against and one abstention, the chair declares the De Jesus complaint sufficient in form,” pahayag ni Luistro sa pagdinig ng komite.

Ang ikalawang reklamo, na inihain ng mga progressive groups at inendorso ng Makabayan bloc, ay kaparehong idineklarang sufficient in form matapos ang hiwalay na botohan.

“Tapos na, both complaints were declared sufficient in form. For tomorrow we will be moving to the determination of sufficiency in substance,” ani Luistro.

Ipinaliwanag ng mambabatas na ang sufficiency in form ay tumutukoy sa pagsunod ng reklamo sa mga formal requirements, kabilang ang pirma ng mga complainant, wastong endorsement, at panunumpa ng mga naghain. Nakaiskedyul na talakayin ng komite ngayong Martes kung ang dalawang reklamo ay sufficient in substance, na pagbobotohan din nang magkahiwalay.

Sa gitna ng pagdinig, nag-walk out si Manila 6th District Rep. Benny Abante matapos ipahayag ang kanyang pagtutol sa pagdedeklara ng sufficiency in form sa ikalawang reklamo, dahil sa kanyang pagdududa kung ang mga complainant ay mga nagbabayad ng buwis.

Samantala, dalawang magkahiwalay na impeachment complaint din laban kay Vice President Sara Duterte ang inihain sa Kamara nitong Lunes.

Ang unang reklamo ay isinampa ng mga dating mambabatas na sina dating ACT Teachers Partylist Rep. France Castro at dating Bayan Muna Rep. Neri Colmenares, at inendorso ng Makabayan bloc. Ayon kay Colmenares, kaugnay pa rin ito ng umano’y maanomalyang paggamit ng confidential funds ng Office of the Vice President.

“Today is the day. Napaaga dahil ‘yan ang epekto nung SC decision. Binago na naman nila ‘yung pag-calculate kung kelan matatapos ‘yung so called one-year bar kaya sa pagkaunawa natin, puwede na,” pahayag ni ACT Teachers Rep. Antonio Tinio, isa sa mga endorser ng reklamo.

Sa reklamo, inakusahan si Duterte ng betrayal of public trust kaugnay ng paggamit umano ng P612.5 million confidential funds ng Office of the Vice President at sa kanyang panunungkulan sa Department of Education mula Disyembre 2022 hanggang ikatlong quarter ng 2023. Kabilang din sa alegasyon ang pagsusumite ng liquidation report na umano’y naglalaman ng mga “pekeng” pangalan ng recipients, gaya ng “Mary Grace Piattos.”

“Yun pa rin, katulad ng pagwaldas sa 612.5 million na confidential fund nung siya ay bise presidente at secretary ng [Department of Education]. Kasama rito yung P125 million na naubos in 11 days nung December 2022,” ani Tinio.

Ang ikalawang impeachment complaint laban kay VP Duterte ay inihain nina Tindig Pilipinas convenor Kiko Aquino Dee, dating Peace Secretary Ging Deles, Fr. Flavie Villanueva, at iba pang youth at sectoral leaders. Inendorso ito nina ML Partylist Rep. Leila de Lima at Akbayan Reps. Perci Cendaña at Chel Diokno.

Isinama sa reklamo ang alegasyon ni Ramil Madriaga laban kay Duterte.

“No technicality or legal loophole will clear the VP of these charges. The VP must personally answer these cases of corruption and abuse of power. She has not escaped her day of reckoning, she has merely delayed it,” ani Cendaña.

Inihayag naman ni dating Gabriela Partylist Rep. Arlene Brosas na umaasa silang idedeklara ng Committee on Justice na sufficient in form and substance ang mga reklamo upang umusad ang pormal na deliberasyon.


Ipinapakita ng magkakahiwalay na hakbang ng House Committee on Justice sa mga reklamo laban sa Pangulo at sa Bise Presidente ang patuloy na pagsubok sa mga mekanismo ng pananagutan sa ilalim ng Konstitusyon. Habang nananatiling nasa yugto pa lamang ng pagsusuri sa porma at substansiya ang mga reklamo, inaasahang magiging mahalaga ang susunod na mga pagdinig sa pagtukoy kung ang mga alegasyon ay uusad sa mas malalim na proseso ng imbestigasyon at posibleng paglilitis sa Kamara at Senado.

Author profile

Si Venus L Peñaflor ay naging editor-in-chief ng Newsworld, isang lokal na pahayagan ng Laguna. Publisher din siya ng Daystar Gazette at Tutubi News Magazine. Siya ay isa ring pintor at doll face designer ng Ninay Dolls, ang unang Manikang Pilipino. Kasali siya sa DesignCrowd sa rank na #305 sa 640,000 graphic designers sa buong daigdig. Kasama din siya sa unang Local TV Broadcast sa Laguna na Beyond Manila. Aktibong kasapi siya ng San Pablo Jaycees Senate bilang isang JCI Senator.