Kikilos ang PNP sa pag-aalis ng ‘epal’ signage, tarpaulins ng mga pulitiko

0
172

MAYNILA — Pinaiigting ng Philippine National Police (PNP) ang crackdown sa mga signage at tarpaulin na may pangalan at larawan ng mga politiko sa mga proyekto at ari-arian na pinopondohan ng gobyerno, bilang hakbang upang maprotektahan ang integridad ng pampublikong serbisyo.

Ayon kay PNP Chief Gen. Jose Melencio Nartatez Jr., ang layunin ng kampanya ay malinaw: “Ang pera ng bayan ay para sa bayan. Government projects should never look like they are owned by a person. They belong to the Filipino people.”

Iniutos ni Nartatez na agad alisin ang anumang materyal na nagpapakita ng pangalan o larawan ng opisyal sa mga programa at proyekto ng gobyerno. “No excuses. Hindi natin dapat ginagamit ang serbisyo publiko para sa personal na pagpapakita o pagpapakilala,” dagdag pa niya.

Ang direktibang ito ay nakasaad sa PNP Memorandum noong Pebrero 2, na nakabatay sa DILG Memorandum Circular 2026-006. Ayon sa dokumento, ang mga opisyal at kawani na hindi susunod ay pananagutin alinsunod sa umiiral na batas at regulasyon.

Binanggit ng Department of the Interior and Local Government (DILG) na malinaw na ipinagbabawal ng 1987 Konstitusyon, Code of Conduct, at 2026 General Appropriations Act ang paglalagay ng pangalan at larawan ng opisyal sa mga proyektong pinondohan ng gobyerno.

Lahat ng opisyal at kawani ay inatasang agad na magpatupad ng pag-alis at pagwasto sa mga materyales na lumalabag sa patakaran, habang ang mga pinuno ng tanggapan ay mananagot sa buong pagsunod sa direktiba.

Author profile

Si Venus L Peñaflor ay naging editor-in-chief ng Newsworld, isang lokal na pahayagan ng Laguna. Publisher din siya ng Daystar Gazette at Tutubi News Magazine. Siya ay isa ring pintor at doll face designer ng Ninay Dolls, ang unang Manikang Pilipino. Kasali siya sa DesignCrowd sa rank na #305 sa 640,000 graphic designers sa buong daigdig. Kasama din siya sa unang Local TV Broadcast sa Laguna na Beyond Manila. Aktibong kasapi siya ng San Pablo Jaycees Senate bilang isang JCI Senator.

We appreciate your thoughts. Please leave a comment.