Pinayagan ng ICC ang 500 biktima na tumestigo laban kay Duterte

0
126

Pinahintulutan ng International Criminal Court (ICC) ang partisipasyon ng 500 indibidwal bilang mga biktima sa kasong crimes against humanity laban kay dating Pangulong Rodrigo Duterte na dinidinig sa The Hague.

Sa limang-pahinang desisyon ng Pre-Trial Chamber I, sinabi ng tribunal na sang-ayon ito sa assessment ng Victims Participation and Reparation Section (VPRS) kaugnay ng 227 aplikasyon na sumasaklaw sa 500 aplikante.

“The Chamber, not having identified any clear, material error in this VPRS’s assessment, and recalling its flexible approach with regard to any minor discrepancies within victim applications, concurs with the VPRS’s assessment and decides to authorize the 500 Group A applicants to participate as victims in the present proceedings,” ayon sa Chamber.

Idinagdag pa na ang Common Legal Representative for Victims, na itinalaga upang kumatawan sa “any admitted victims in the present case,” ay siya ring kakatawan sa mga biktimang inaprubahan sa naturang desisyon.

Nauna dito, tumanggap ang ICC Pre-Trial Chamber ng karagdagang mga aplikasyon mula sa mga partidong nagnanais mairehistro bilang mga biktima sa kaso ni Duterte. Sa apat na pahinang dokumento na may petsang Pebrero 9, sinabi ng ICC Registry na naisumite nito sa Chamber ang 227 aplikasyon na binubuo ng 500 aplikante.

Noong Enero 28, 2026, inatasan ng Chamber ang Victims Participation and Reparations Section ng Registry na isumite bago o sa Pebrero 9, 2026 ang anumang karagdagang aplikasyon na natanggap sa loob ng itinakdang deadline. Nauna rito, noong Enero 26, 2026, pinayagan ng Chamber ang partisipasyon ng kabuuang 39 biktima sa kaso.

Nahaharap si Duterte sa kasong crimes against humanity for murder at attempted murder kaugnay ng libo-libong nasawi sa kampanya kontra droga noong siya ay alkalde ng Davao City at kalaunan bilang Pangulo ng Pilipinas.

Patuloy ang proseso ng pagdinig sa ICC habang sinusuri ang mga ebidensya at testimonya kaugnay ng mga alegasyon.

Author profile

Si Venus L Peñaflor ay naging editor-in-chief ng Newsworld, isang lokal na pahayagan ng Laguna. Publisher din siya ng Daystar Gazette at Tutubi News Magazine. Siya ay isa ring pintor at doll face designer ng Ninay Dolls, ang unang Manikang Pilipino. Kasali siya sa DesignCrowd sa rank na #305 sa 640,000 graphic designers sa buong daigdig. Kasama din siya sa unang Local TV Broadcast sa Laguna na Beyond Manila. Aktibong kasapi siya ng San Pablo Jaycees Senate bilang isang JCI Senator.

We appreciate your thoughts. Please leave a comment.