Pinuna ng DOH ang kritikal na kakulangan sa dentista sa bansa

0
162

Maynila — Binigyang-diin ng Department of Health (DOH) ang matinding kakulangan ng mga dentista sa bansa, na nagdudulot ng malaking agwat sa pagitan ng bilang ng mga dental professionals at ng populasyon, ayon kay Emmie Perez, undersecretary ng ahensya.

Ayon kay Perez, ang kasalukuyang dentist-to-population ratio ay 1 dentista sa bawat 53,000 katao, na masyadong mataas kumpara sa pamantayan ng World Health Organization na nagrerekomenda ng 1 dentista kada 7,500 tao.

“Napakataas po ng kailangang habulin ng isang dentista which we cannot do at this moment… Pinagsusumikapan po namin na matugunan pero hindi kaya po,” ani Perez, na nagsabing ang mataas na ratio at mga nakaraang pagbabago sa istruktura ng sistema ng kalusugan ay nakapagpalala sa kakulangan ng serbisyo.

Ipinunto rin niya na habang may mga programa ng oral health ang DOH, limitado pa rin ang saklaw nito kumpara sa pangangailangan ng bansa. Dagdag pa niya, isa sa mga dahilan ng kakulangan ay ang mababang pasahod sa mga dentistang nagtatrabaho sa gobyerno, kung saan ang entry-level na posisyon sa pampublikong sektor ay nasa Salary Grade 16 lamang, na nagpapahirap sa pagkuha at pagpapanatili ng mga propesyonal.

Binanggit din ni Perez na madalas na napapabayaan ang oral health sa kabila ng kahalagahan nito sa pangkalahatang kalusugan. Nanawagan siya ng reporma, kabilang ang muling pagpapanibago ng dating Oral Health Bureau, upang mapalakas ang dental care sa bansa.

Sa kasalukuyan, may preventive oral healthcare package na inaalok sa pamamagitan ng Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) simula noong 2024, na sumasaklaw sa preventive services at emergency tooth extraction sa mga accredited na pasilidad, hanggang ₱1,000 kada taon.

Bagama’t nakatuon ang umiiral na programa sa preventive care, pinag-aaralan ng DOH ang mga posibleng benefit packages sa hinaharap upang tugunan ang pagkabungi ng ngipin at suportahan ang paggamit ng dentures.

“Hindi po kaya ng government alone. Kailangan po natin ng collaboration with the private sector,” wika ni Perez, na nananawagan sa mas maraming dentista sa buong bansa na makilahok sa mga programang pang-gobyerno.

Dagdag niya, patuloy ang konsultasyon para sa pagpapalawak at pagpapatupad ng mga programang pangkalusugan sa bibig sa susunod na mga taon.

Author profile

Carlo Juancho FuntanillaFrontend Developer, WordPress, Shopify
Contributing Editor
AMA ACLC San Pablo

We appreciate your thoughts. Please leave a comment.