Binatikos ni Gadon ang planong pagtakbo ni Sara; Marcos at Leni magkikita sa Naga

0
155

MAYNILA — Umiinit agad ang usapin sa 2028 presidential elections matapos igiit ni Presidential Adviser on Poverty Alleviation Secretary Larry Gadon na taktika lamang umano ni Vice President Sara Duterte ang pagdedeklara ng kanyang planong pagtakbo sa pagkapangulo upang mailihis ang atensyon mula sa kinakaharap na impeachment proceedings.

Ayon kay Gadon, napakalayo pa ng 2028 subalit maaga nang nag-anunsyo si Duterte ng kanyang planong kandidatura, isang hakbang na para sa kanya ay bahagi ng depensa sa umiinit na isyu.

“Dahil unang-una, ang Philippine politics is divided only to two major camps, that is Marcos and Aquinos. Ang mga Marcos natural hindi na siya iboboto,” pahayag ni Gadon. Iginiit pa niyang hindi umano makukuha ni Duterte ang suporta ng mga Marcos loyalist, kabilang ang tinatawag na Solid North at mga kaalyado ng pamilya Marcos sa iba’t ibang rehiyon.

Dagdag pa niya, maging ang oposisyon ay hindi rin umano papanig sa Bise Presidente. “Tingnan naman natin ang mga ‘leftist’ o ’yung mga nasa kaliwa. Hindi rin siya iboboto dahil galit na galit sa mga Duterte ang mga iyan,” ani Gadon, sabay banggit na maaaring pumuwesto ang mga ito sa Liberal Party o sa iba pang alyansa.

Sa kabila ng matitinding pahayag, wala pang tugon mula sa kampo ni Duterte hinggil sa akusasyon na ang kanyang maagang pagdeklara ay may kaugnayan sa impeachment issue. Gayunman, malinaw na ang maagang paggalaw sa 2028 ay nagdaragdag kulay at tensyon sa pambansang politika.

Marcos at Robredo, Magtatagpo sa Naga

Samantala, kinumpirma ng Malacañang na magkikita sina Pangulong Ferdinand Marcos Jr. at dating Vice President Leni Robredo sa Naga City sa Sabado, Pebrero 21.

Ayon kay Palace Press Officer Atty. Clare Castro, bibisitahin ng Pangulo ang anti-flood operations sa kahabaan ng Sagop Creek—isa sa mga kritikal na daluyan ng tubig sa lungsod. Bahagi ito ng Oplan Kontra Baha na layong mabawasan ang pagbaha sa mga low-lying areas sa Bicol Region.

“Double time ang trabaho ng mga kawani ng DPWH (Department of Public Works and Highways) para ibsan ang mga pagbaha,” ani Castro.

Nilinaw din ng opisyal na ang pagbisita at maging ang pagsusuot niya ng kulay pink na naging campaign color ni Robredo noong 2022 elections ay walang kinalaman sa anumang negosasyong politikal para sa 2028.

“Wala po kasing talagang napag-uusapan sa pangangampaniya o kung sino ang magiging kandidato sa 2028,” giit ni Castro.

Gayunman, tila nag-iwan siya ng pahaging ukol sa posibleng pag-uusap ng dalawang lider. “’Yun lang po ang binigay na impormasyon. Kung ano pa ang mapag-uusapan nila, abangan natin,” dagdag pa niya.

Habang malayo pa ang susunod na halalan, malinaw na maagang umiikot ang mga pyesa sa political chessboard ng bansa. Sa pagitan ng mga alegasyon, pagkikita ng dating magkatunggali, at mga umugong na alyansa, nagiging makulay at masalimuot na agad ang landas patungong 2028.

Author profile

Si Venus L Peñaflor ay naging editor-in-chief ng Newsworld, isang lokal na pahayagan ng Laguna. Publisher din siya ng Daystar Gazette at Tutubi News Magazine. Siya ay isa ring pintor at doll face designer ng Ninay Dolls, ang unang Manikang Pilipino. Kasali siya sa DesignCrowd sa rank na #305 sa 640,000 graphic designers sa buong daigdig. Kasama din siya sa unang Local TV Broadcast sa Laguna na Beyond Manila. Aktibong kasapi siya ng San Pablo Jaycees Senate bilang isang JCI Senator.

We appreciate your thoughts. Please leave a comment.