Posibleng Alert Level 4 sa NCR tatalakayin ng DILG, IATF-EID

0
390

Ipinahayag ni Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Eduardo Año na ang rekomendasyon na ilagay ang National Capital Region (NCR) sa ilalim ng mas mahigpit na Alert Level 4 status ay tatalakayin sa mga susunod na pagpupulong ng Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases (IATF-EID).

Ayon saOCTA, nagtala ang NCR ng pinakamaraming kaso ng Covid-19 sa bansa mula Enero 2 hanggang 8 sa bilang na 8,468 na sinundan ng Bacoor City na may 218, Antipolo na may 211, Cainta na may 202, at Dasmariñas na may 152.

Iniulat ng Department of Health (DOH) ang 28,707 bagong impeksyon sa Covid-19, ang pinakamataas na solong araw na tally mula noong nagsimula ang pandemya noong Marso 2020.

Humigit kumulang na 16,803 o 59 porsiyento ng mga bagong impeksyon ang naitala sa NCR, na dahil dito ay tumaas ang active cases ng bansa sa 128,114, at kabuuang caseload sa 2,965,447.

Kaugnay nito, nagbabala si DILG Undersecretary at spokesperson Jonathan Malaya na maaaring kasuhan ang mga barangay officials kung mapapatunayang tumaas ang kaso ng Covid-19 sa kanilang nasasakupan dahil sa hindi maayos na pagpapatupad ng minimum public health standards (MPHS), partikular na ang mapigilang paglabas ng kanilang mga hindi pa nababakunahang residente. 

“Madami pong mga pwedeng i-file sa kanila [barangay captains] for dereliction of duty, simple misconduct, negligence, madami pong pwede tayo, so alam naman yan ng kapitan,’’ ayon kay Malaya sa isang radio interview.

Iginiit din ng Philippine National Police (PNP) ang kanilang panawagan sa publiko na mahigpit na sundin ang mga health protocols.

“We have seen photos of people standing in long queues outside the movie houses. Cinemas may have reopened in some areas with lower Covid Alert Level status, but this doesn’t mean that the minimum public health standard must be disregarded,” ayon kay PNP Chief General Dionardo Carlos sa kanyang statement.

Author profile

Si Venus L Peñaflor ay naging editor-in-chief ng Newsworld, isang lokal na pahayagan ng Laguna. Publisher din siya ng Daystar Gazette at Tutubi News Magazine. Siya ay isa ring pintor at doll face designer ng Ninay Dolls, ang unang Manikang Pilipino. Kasali siya sa DesignCrowd sa rank na #305 sa 640,000 graphic designers sa buong daigdig. Kasama din siya sa unang Local TV Broadcast sa Laguna na Beyond Manila. Aktibong kasapi siya ng San Pablo Jaycees Senate bilang isang JCI Senator.