THE HAGUE, Netherlands — Muling nabuhay ang matinding dalamhati ng mga pamilya ng mga nasawi sa kampanya kontra droga ng administrasyong Duterte habang inilalahad ng Prosecution at ng Common Legal Representatives for Victims ang mga ebidensya sa harap ng Pre-Trial Chamber I ng International Criminal Court noong Martes.
Sa loob ng gallery ng ICC, kapansin-pansin ang emosyon nina Llore Pasco at Sheerah Escudero habang pinakikinggan ang mga argumento kung bakit dapat ituloy sa paglilitis ang tatlong bilang ng crimes against humanity na murder at attempted murder laban kay dating Pangulong Rodrigo Duterte.
Dalawang anak na lalaki ang nawala kay Pasco, sina Crisanto at Juan Carlos habang kapatid naman ang nawala kay Escudero, si Ephraim, na napatay noong 2017.
“Ito ay talagang tumagos sa aming mga puso,” umiiyak na pahayag ni Pasco matapos ang pagdinig. Aniya, nahirapan silang pigilan ang emosyon habang inilalahad ang mga detalye ng mga pagpatay. “Pigil ‘yung aming damdamin… na-overwhelm kami dahil para talaga ‘yun sa amin, sa mga biktima.”
Ayon kay Pasco, lalo siyang naapektuhan nang isa-isahin ng prosecution ang mga biktima at ang mga lugar kung saan natagpuan ang kanilang mga bangkay. Naalala niya ang noong makita ang kanyang dalawang anak sa Quezon City.
“Minsan may mga gabing hindi ka nakakatulog kasi sinisisi ko ‘yung sarili ko na siguro kung hindi ko sila pina-surrender, baka buhay pa,” dagdag niya.
Para naman kay Escudero, sariwa pa rin ang alaala ng pagkamatay ng kanyang kapatid nang ilahad ang mga detalyeng may pagkakatulad sa sinapit nito. Aniya, natagpuan ang kanyang kapatid na nakabalot ng packaging tape noong 2017.
“It reminded me of all the pain that we experienced,” ani Escudero, na aminadong nahirapan huminga at pigilan ang emosyon habang nagpapatuloy ang pagdinig.
Iginiit niya na hindi umano hiwa-hiwalay na insidente ang mga pagpatay kundi bahagi ng polisiya noon. “Mas naging malinaw sa amin na part talaga ito ng policy ni Duterte. Lalong naging matibay sa amin na siya talaga ang reason bakit nawala ang mga mahal namin sa buhay.”
Bagama’t hindi nabanggit sa pagdinig ang pangalan ng kanyang kapatid, naniniwala si Escudero na kabilang ito sa mga biktimang kinakatawan ng prosecution. Aminado siyang walang hatol ang makapagbabalik sa kanilang mahal sa buhay, ngunit umaasa silang uusad ang kaso sa ganap na paglilitis.
“Even if ma-convict si Duterte balang araw, ‘yung pain nandoon pa rin. Alam namin na hindi na nito maibabalik ang kapatid ko, pero we still want to push this to trial,” aniya.
Mariin ding tinutulan ng dalawang pamilya ang pahayag ng depensa, partikular ng counsel na si Nicholas Kaufman, na umano’y walang “criminal intent” si Duterte.
“Hindi totoo na walang criminal intent siya. Siya na mismo ang nagsabi kung gaano niya kagustong patayin ang mga taong ito,” diin ni Escudero.
“Sabi niya hindi naman daw intent to kill. Isipin ba ‘yung mga sinabi ni Duterte? Hindi pa ba ‘yun proof na talagang inutos niya?” dagdag ni Pasco.
Sa kabila ng sakit at hirap, pinili nilang saksihan ang bawat yugto ng pagdinig. Para kay Escudero, “yung pagpunta sa ICC is like witnessing a history.”
Nanawagan din sila laban sa pagkalat ng maling impormasyon kaugnay ng mga biktima at ng kaso. “Why would we experience such pain kung wala talagang namatay? We’re not faking everything,” ani Escudero.
Sa huli, nananatiling umaasa ang mga pamilya na magpapatuloy ang proseso at hahantong sa makatarungang paglilitis.
“Sana magkaroon na talaga ng katarungan… hangad din namin na magkaroon ng hustisya para sa lahat ng biktima,” pahayag ni Pasco.
With reports from GMA7
Si Venus L Peñaflor ay naging editor-in-chief ng Newsworld, isang lokal na pahayagan ng Laguna. Publisher din siya ng Daystar Gazette at Tutubi News Magazine. Siya ay isa ring pintor at doll face designer ng Ninay Dolls, ang unang Manikang Pilipino. Kasali siya sa DesignCrowd sa rank na #305 sa 640,000 graphic designers sa buong daigdig. Kasama din siya sa unang Local TV Broadcast sa Laguna na Beyond Manila. Aktibong kasapi siya ng San Pablo Jaycees Senate bilang isang JCI Senator.






