MAYNILA — Ayon sa mga eksperto mula sa Philippine Medical Association, ang patuloy na pagtaas ng kaso ng dengue sa bansa ay dulot ng kakulangan sa bakuna, hindi updated na clinical management, at mababang partisipasyon ng komunidad.
Binigyang-diin ni Dr. Lulu Bravo na hindi pa “adequately addressed” ang dengue at marami pa ring doktor ang hindi ganap na updated sa tamang pamamahala nito. Samantala, ayon kay Dr. Florentina Uy, multifactorial ang problema kasama rito ang papel ng gobyerno, medical sector, at komunidad. Aniya, madalas lamang maglinis ang mga tao kapag may nagkakasakit sa kanilang pamilya.
Binigyang-diin ni dating Health Undersecretary Dr. Enrique Tayag na hindi sapat ang environmental at vector control lamang. Ayon sa datos ng Department of Health, bumaba ng 24% ang dengue cases noong 2025 kumpara 2024, at 15% naman ang ibinaba ng mortality rate. Ngunit ayon sa kanya, hindi pa rin katanggap-tanggap ang bilang ng namamatay.
Samantala, sinabi ni DOH Undersecretary Dr. Gloria Balboa na may naitalang 14,907 dengue cases hanggang Pebrero 14, 2026—70% mas mababa kumpara sa parehong panahon noong 2025.
Iginiit ng mga doktor na mahalaga ang pagbabakuna bilang bagong intervention laban sa dengue. Hinikayat ni PMA president Dr. Hector Santos ang gobyerno na aprubahan ang bagong bakunang Qdenga, na ginawa ng Japanese company na Takeda Pharmaceutical Company. Ayon sa kanya, iba ito sa kontrobersyal na Dengvaxia na ginamit noong 2016 sa humigit-kumulang 700,000 bata.
Nauna nang sinabi ng Takeda na nag-apply na sila para sa product registration sa Food and Drug Administration, ngunit wala pang desisyon ang ahensya.
Matatandaang naging kontrobersyal ang Dengvaxia matapos iugnay sa pagkamatay ng ilang bata. Gayunman, sinabi ni dating Justice Secretary Jesus Crispin Remulla na hindi napatunayang may “causal link” ang bakuna sa mga nasawi.
Carlo Juancho FuntanillaFrontend Developer, WordPress, Shopify
Contributing Editor
AMA ACLC San Pablo





