299 Pilipino mula Dubai, ligtas nang nakauwi sa bansa

0
105

MAYNILA — Ligtas nang nakauwi sa bansa kahapon ng umaga ang 299 Pilipino mula Dubai sakay ng Flight EK336, na dumating sa NAIA Terminal 3, bilang bahagi ng patuloy na pagtugon ng pamahalaan sa sitwasyon ng mga kababayan sa gitna ng tensyon sa Middle East.

Sa bilang na ito, 25 ang mga OFW na agad sinalubong at inasikaso ng Department of Migrant Workers (DMW) sa pangunguna ni Secretary Hans Leo Cacdac at ng Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) sa pangunguna ni Administrator Patricia Yvonne “PY” Caunan, katuwang ang Department of Health (DOH) at Department of Social Welfare and Development (DSWD).

Ang pagdating ng mga kababayan ay kabilang sa unang batch ng mga Pilipinong nakauwi mula sa Middle East kasunod ng patuloy na tensyon sa rehiyon. Kaagad silang binigyan ng arrival assistance sa paliparan, kabilang ang pagkain, pansamantalang tuluyan, at tulong sa transportasyon patungo sa kani-kanilang mga probinsya, pati na rin iba pang kinakailangang suporta.

Nakahanda rin ang OWWA na magbigay ng financial at reintegration assistance upang makatulong sa muling pagsisimula ng buhay sa Pilipinas para sa mga miyembro. Patuloy ang pakikipagtulungan ng OWWA, DMW, DOH, at DSWD upang matiyak ang agarang pagtugon sa pangangailangan ng ating mga Kababayang OFWs sa kasalukuyang sitwasyon sa Middle East.

Para sa mga nangangailangan ng tulong, bukas 24/7 ang OWWA Hotline 1348. Maaari ring makipag-ugnayan sa pinakamalapit na OWWA Regional Office o gamitin ang Kumusta Kabayan app para sa agarang aksyon.

Author profile

Si Venus L Peñaflor ay naging editor-in-chief ng Newsworld, isang lokal na pahayagan ng Laguna. Publisher din siya ng Daystar Gazette at Tutubi News Magazine. Siya ay isa ring pintor at doll face designer ng Ninay Dolls, ang unang Manikang Pilipino. Kasali siya sa DesignCrowd sa rank na #305 sa 640,000 graphic designers sa buong daigdig. Kasama din siya sa unang Local TV Broadcast sa Laguna na Beyond Manila. Aktibong kasapi siya ng San Pablo Jaycees Senate bilang isang JCI Senator.

We appreciate your thoughts. Please leave a comment.