DOHA, Qatar — Isang Filipino ang nasugatan sa Qatar sa gitna ng lumalalang tensyon sa Gitnang Silangan, ayon sa ulat ng Philippine Embassy sa Doha.
Ayon sa update ng Philippie Embassy sa Qatar kahapon, ang nasugatang Filipino ay kasalukuyang nagpapagaling.
“…ang Embahada ay nakapagtala ng isang (1) Filipino national na nagkaroon ng minor injuries mula sa shrapnel ng na-intercept na missile. Ang nasabing Filipino ay ligtas at nagpapagaling na,” ayon sa embahada.
Iniulat din ng embassy na may 29 na Pilipino sa Qatar na pansamantalang naninirahan sa mga pansamantalang tirahan matapos umalis sa kanilang mga bahay dahil malapit sa mga posibleng delikadong lugar.
Samantala, ligtas nang nakarating sa Maynila ang 61 Pilipino mula Dubai, United Arab Emirates, matapos ang repatriation efforts ng pamahalaan.
Sa Israel, 35 Pilipinong manlalakbay at turista sa Tel Aviv ang tinulungan ng Philippine Embassy na makatawid sa border papuntang Egypt at Jordan.
Inihayag naman ng Department of Migrant Workers (DMW) na ang Persian Gulf at Strait of Hormuz ay itinuturing nang “War Risk Operations Area.”
“Ang mga Filipino seafarers, lalo na yaong nasa ilalim ng mga ship owners na may Filipino crew, ay hindi inaasahang maglalayag sa nasabing lugar. Kung sakali man, dapat may karapatan ang ating mga seafarers na tumangging maglayag, at hangga’t maaari, iwasan ang bahaging ito ng mundo dahil sa kasalukuyang matinding panganib,” ayon kay DMW Secretary Hans Leo Cacdac.
Patuloy ang repatriation efforts ng pamahalaan para sa mga Pilipinong stranded sa Gitnang Silangan.
“Ayon sa tala ng Marso 7, 82 sa 113 na initially stranded individuals ay ligtas nang nakalabas mula sa Queen Alia International Airport patungo sa iba’t ibang transit hubs tulad ng Cairo, Dubai, Mumbai, at Riyadh, kung saan sila ay sumasakay ng kani-kanilang connecting flights papuntang Maynila,” ayon sa Department of Foreign Affairs (DFA).
“Sa kasalukuyan, patuloy na tinutulungan ng Embahada ang natitirang 31 Pilipinong turista na nasa Amman,” dagdag ng DFA.
Carlo Juancho FuntanillaFrontend Developer, WordPress, Shopify
Contributing Editor
AMA ACLC San Pablo





