Walang taas-presyo sa mga pangunahing bilihin hanggang Abril 16, ayon sa DTI

0
147

MAYNILA – Sa gitna ng pangamba sa epekto ng pagtaas ng presyo ng langis dahil sa krisis sa Middle East, sinabi ng Department of Trade and Industry (DTI) noong Sabado na nananatiling matatag ang presyo ng mga pangunahing bilihin, ngunit posibleng tumaas ito sa ikalawang kalahati ng Abril.

Ayon kay Trade Secretary Cristina Roque, wala pa silang naitalang pagtaas sa presyo ng mga pangunahing pangangailangan at pangunahing produkto. Saklaw nito ang humigit-kumulang 205 stock keeping units (SKUs) na ibinebenta sa mga supermarket, grocery, at online platforms. Ang mga produktong ito ay mananatili sa kasalukuyang presyo hanggang Abril 16, habang ang ilang items ay inaasahang hindi tataas ang presyo hanggang katapusan ng buwan.

“Walang price increase hanggang Abril 16. At patuloy namin itong i-uupdate. Kasi may mga ibang produkto na hanggang end of April, wala pong price increase,” ani Roque.

Nakipagpulong din ang DTI sa mga manufacturer at retailer na tiniyak na may sapat na supply at imbentaryo upang maiwasan ang agarang pagtaas ng presyo.

Kabilang sa mga produktong nasa monitoring list ang canned sardines, corned beef, cup noodles, bottled water, kape, gatas, ilang dairy products, at kandila.

Linaw ni Roque na hindi lahat ng produkto ay sakop ng listahan kaya posibleng magbago ang presyo ng ilang brands o varieties. Pinayuhan ang mga mamimili na suriin ang listahan ng basic necessities at prime commodities (BNPC) sa mga groceries at supermarket pati na rin sa opisyal na website at social media pages ng DTI.

Dagdag pa ni Roque, regular ang lingguhang pagpupulong ng DTI sa mga manufacturer at patuloy nilang imomonitor ang sitwasyon kahit lampas Abril 16.

Dahil sa kawalang-katiyakan kung hanggang kailan tatagal ang krisis sa Middle East at ang epekto nito sa global oil prices, sinabi ng DTI na anumang desisyon sa pagtaas ng presyo pagkatapos ng Abril 16 ay ibabatay sa patuloy na pagsusuri.

“Titingnan natin ulit, because weekly po ang usap namin with the manufacturers,” ani Roque.

Ang pahayag ni Roque ay kasunod ng ulat na may ilang supermarket na balak magtaas ng presyo simula Abril 1. Kasama sa mga produktong apektado ang pasta, noodles, canned goods, at candies.

Noong Biyernes, nilinaw ng DTI na ang awtomatikong nationwide price freeze sa basic necessities at prime commodities (BNPC) ay hindi pa ipinatutupad kahit na ideklara ni Pangulong Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr. ang national energy emergency sa bisa ng Executive Order 110.

Ayon sa Republic Act 7581 o Price Act, ang presyo ng pangunahing bilihin sa isang lugar ay awtomatikong naka-freeze o sakop ng price control kapag ideklara ang lugar sa ilalim ng state of calamity, emergency, martial law, state of war, rebellion, o suspension ng writ of habeas corpus maliban kung may ibang pahayag ang Pangulo.

Matapos ang EO 110, nilinaw ng DTI na hindi kasalukuyang ipinatutupad ang nationwide price freeze sa bisa ng Price Act. Pinatindi naman ang pag-alerto ng mga consumer protection teams.

Dalawampu’t isang pangunahing manufacturer ng essential goods kabilang ang canned sardines, tinapay, bottled water, instant noodles, at kape ay pormal na nangakong panatilihin ang kasalukuyang presyo sa loob ng susunod na 30 hanggang 60 araw.


Author profile

Si Venus L Peñaflor ay naging editor-in-chief ng Newsworld, isang lokal na pahayagan ng Laguna. Publisher din siya ng Daystar Gazette at Tutubi News Magazine. Siya ay isa ring pintor at doll face designer ng Ninay Dolls, ang unang Manikang Pilipino. Kasali siya sa DesignCrowd sa rank na #305 sa 640,000 graphic designers sa buong daigdig. Kasama din siya sa unang Local TV Broadcast sa Laguna na Beyond Manila. Aktibong kasapi siya ng San Pablo Jaycees Senate bilang isang JCI Senator.

We appreciate your thoughts. Please leave a comment.