Ligtas na pagdaan sa Strait of Hormuz hindi agad magpapababa ng presyo ng fuel sa bansa – DOE

0
378

MAYNILA — Ang desisyon ng Iran na payagan ang ligtas na pagdaan ng mga langis na patungong Pilipinas sa Strait of Hormuz ay bahagi ng hakbang ng pamahalaan para sa risk management at hindi agad magreresulta sa pagbaba ng presyo ng langis sa bansa, ayon kay Secretary Sharon Garin ng Department of Energy (DOE) nitong Sabado.

Sa isang post sa Facebook, sinabi ni Garin na nakatiyak ang Pilipinas ng “safe and preferential access” sa Strait of Hormuz. Dagdag niya, makatutulong ito sa pagbawas ng panganib ng pagkaantala ng suplay ng langis, sa pagprotekta sa mga kargamento na konektado sa Pilipinas, at sa pagpapahusay ng kaligtasan ng mga Pilipinong seafarers sa gitna ng digmaan sa pagitan ng US at Israel laban sa Iran.

“Ito ay Risk Management, dahil sa panahon ng pandaigdigang tensyon, ang pagbawas ng panganib ay isang makabuluhang tagumpay na,” ani Garin.

Dagdag niya, “Gusto rin nating pamahalaan ang inaasahan ng publiko. Ang hakbang na ito ay hindi agad magpapababa ng presyo ng gasolina, at hindi rin nito nalulutas ang pangmatagalang structural challenge sa enerhiya. Ito ay patuloy nating tinutugunan bilang prayoridad.”

Binanggit din ni Garin na ang mga tanong at alalahanin tungkol sa saklaw at epekto ng kasalukuyang kasunduan ay “bahagi ng isang malusog at maalam na pampublikong talakayan.”

Ayon sa Department of Foreign Affairs (DFA), nakamit ng Pilipinas ang ligtas na pagdaan sa Strait of Hormuz kung saan dumadaloy ang 20% ng langis at liquefied natural gas sa buong mundo matapos ang pag-uusap sa telepono ni Foreign Affairs Secretary Ma. Theresa Lazaro at Iranian Foreign Minister Seyed Abbas Araghchi.

Tiniyak ni Araghchi kay Lazaro na papayagan ng Iran ang “ligtas, walang sagabal, at mabilis na pagdaan sa Strait of Hormuz ng mga barkong may watawat ng Pilipinas, mga pinagkukunan ng enerhiya, at lahat ng Pilipinong seafarers,” ayon sa DFA noong Huwebes.

Bilang paglilinaw aniya, ito ay hindi perpektong solusyon, at hindi nito inaalis ang lahat ng panganib,” ani Garin.

Batay sa Mean of Platts Singapore (MOPS) trading mula Marso 30 hanggang Abril 2, ayon sa isang pinagkakatiwalaang source sa industriya ng langis, posibleng tumaas ang retail diesel ng P17 hanggang P19 kada litro sa susunod na linggo.

Maaaring itulak nito ang presyo ng regular diesel hanggang P165 kada litro at premium diesel lampas sa P170 kada litro.

Ang presyo ng gasolina naman ay inaasahang tataas ng P3 hanggang P5 kada litro, na posibleng magdala sa presyo ng super premium, premium, at regular na gasolina sa humigit-kumulang P120, P117, at P110 kada litro, ayon sa pagkakasunod.

Ipinakita ng datos ng DOE na ang paggalaw ng presyo ngayong linggo, ang ika-13 para sa buong taon, ay nagresulta sa kabuuang net increase na P48.20 kada litro para sa gasolina, P90.05 kada litro para sa diesel, at P78.10 kada litro para sa kerosene.


Author profile

Si Venus L Peñaflor ay naging editor-in-chief ng Newsworld, isang lokal na pahayagan ng Laguna. Publisher din siya ng Daystar Gazette at Tutubi News Magazine. Siya ay isa ring pintor at doll face designer ng Ninay Dolls, ang unang Manikang Pilipino. Kasali siya sa DesignCrowd sa rank na #305 sa 640,000 graphic designers sa buong daigdig. Kasama din siya sa unang Local TV Broadcast sa Laguna na Beyond Manila. Aktibong kasapi siya ng San Pablo Jaycees Senate bilang isang JCI Senator.

We appreciate your thoughts. Please leave a comment.