Pagod na ba si Superman at Wonder Woman?

0
745

Tagapagbalita lang ako ng mga sakripisyo na iniaalay ng mga tunay na mga frontliners. Sila talaga ang napasabak at patuloy na napapasabak sa paulit ulit na surge ng mga variant ng Covid-19.

Matapos ang Pasko at Bagong Taon, bigla na namang lomobo ang mga bagong kaso ng Covid. Kagabi lang, 61 ang new cases sa San Pablo City. Nag Pasko at Bagong Taon nga tayo ng bongga pero hindi naman tuloy ang Fiesta sa Enero 15. Huwag naman sanang magtampo si San Pablo, ang Unang Ermitanyo.

Wala pa mang bakuna ay humarap na sa laban sa Covid ang ating mga frontline healthworkers. Sila ang nagsisilbing kalasag natin. Sila ang sumasangga sa kalawit ni kamatayan na parang Vibranium shield ni Captain America sa Marvel.

Sinasaluduhan ko rin ang mga frontliners ng mga lokal na pamahalaan na nagre repack ng bigas at de lata at buong tapang na naghahatid ng ayuda sa mga barangay. Kasama na din dito ang mga kapitan, kagawad at tanod na nagtitiyagang magdala ng ayuda package sa bahay bahay ng mga naka home quarantine. Kung titingnan ay lampas na sa inyong tungkulin ang iba nilang ginagawa. Ganun pa man, ang karamihan sa kanila ay gumaganap sa tungkulin ng walang pagtutuos. 

May ilan namang namamahagi ng kaunting patak ng tulong sa mga kinapos sa pera dala ng pandemic. Bibilib na sana ako pero nakita kong panay pala ang kislap ng magagandang cellphone sa pagkuha ng mga larawan habang namimigay ng supot. Nakikita naman siguro nating lahat sa Facebook ang mga feeling Messiah. Sila yung mga nakikisawsaw lang sa mga gawain at proyekto ng mga tunay na lider na frontliners. Ang siste, mas marami pa ang nakakasura nilang ginawa kaysa sa naitulong nila. Makapag project lang ng dramang “kabutihan” ay gagawin ang lahat. Kayo nga’y magsi himpil at nalalawlaw laang ang mga programa.

Bueno, hindi ko na babanggitin kung sino sino ang mga frontliners na karapat dapat pasalamatan at papurihan. Sila ang mga walang pagod na nakikipaglaban para sa atin sa katunggali na hindi nakikita. Super hero man ay may kahinaan at napapagod din. Kailan lang ay nabalita na may mga miyembro ng vaccination team ang nagkasakit. Sa kabila ng katotohanan na ito, ang mga super hero natin ay walang humpay na lumalaban. Mabuhay po kayong lahat at maraming salamat.

Pagod ka na ba, Superman? Kaya pa ba, Wonder Woman?

Author profile
sandy-belarmino
Sandy Belarmino

Si Sandy Belarmino ay 17 taon ng naglilingkod sa larangan ng pamamahayag. Naging broadcaster siya sa radyo at local TV.  Media correspondent din sya at columnist sa iba’t ibang dyaryo ng lokal sa San Pablo City. Si Sandy ay kasalukuyang pangulo ng Seven Lakes Press Corps.