El Niño posibleng tumagal hanggang Disyembre, NWRB nanawagan ng pagtitipid sa tubig

0
85

MAYNILA — Nanawagan ang National Water Resources Board (NWRB) sa publiko na magtipid sa paggamit ng tubig matapos bumaba sa minimum operating level ang water elevation ng Angat Dam, pangunahing pinagkukunan ng suplay ng tubig sa Metro Manila.

Ayon kay NWRB Executive Director Sevillo David Jr., umabot na lamang sa 173.4 metro ang lebel ng tubig sa Angat Dam, mas mababa sa itinakdang 180-meter minimum operating level para sa normal na operasyon.

Dahil dito, sinabi ni David na nagsimula na ang ahensiya sa pagpapatupad ng contingency measures kasunod ng inilabas na El Niño advisory ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA), na nagsasabing maaaring tumagal ang weather phenomenon hanggang Disyembre o unang bahagi ng 2027.

Kabilang sa isinusulong ng NWRB ang rainwater harvesting at water reuse sa bahay upang mabawasan ang konsumo.

“Pino-promote natin ang rainwater harvesting, pati recycling o reuse ng tubig, gaya ng pinaghugasan ng gulay na maaari pang gamitin sa pandilig ng halaman,” ani David.

Batay sa monitoring ng PAGASA, nananatiling pababa ang lebel ng Angat Dam mula pa noong unang bahagi ng Mayo dahil sa kakulangan ng malalakas na pag-ulan sa watershed area nito. Nananatili ring mababa ang rainfall accumulation na kailangan upang mabilis na maibalik ang reservoir sa normal nitong antas.

Noong Mayo 24, iniulat ng PAGASA na nakararanas ng tagtuyot ang Metro Manila at 25 lalawigan, karamihan sa Luzon. Ang drought o tagtuyot ay idinedeklara kapag bumaba nang hindi bababa sa 60 porsiyento ang karaniwang dami ng ulan sa loob ng tatlong magkasunod na buwan.

Bagama’t inaasahan ang paminsan-minsang pag-ulan at thunderstorms sa mga susunod na linggo, nagbabala ang PAGASA na maaari pa ring lumala ang epekto ng El Niño pagsapit ng kalagitnaan ng 2026 hanggang unang bahagi ng 2027, kabilang ang mas mababang rainfall at posibleng pressure sa suplay ng tubig at agrikultura.

Tinatayang 90 hanggang 97 porsiyento ng potable water supply ng Metro Manila ay nagmumula sa Angat Dam. Dahil dito, binawasan ng NWRB ang alokasyon ng raw water para sa mga concessionaire upang matiyak na prayoridad ang pangangailangan ng mga kabahayan.

Ayon sa NWRB, kasalukuyang nakatakda sa 50 cubic meters per second ang water allocation mula sa Angat Dam para mapanatiling sapat ang suplay habang nagpapatuloy ang mababang water level.

Umaasa ang ahensiya na magiging sapat ang umiiral na alokasyon upang matugunan ang pangangailangan ng mga residente, kasabay ng panawagang magtipid ng tubig, mag-imbak ng ulan, at humanap ng mga paraan upang muling magamit ang tubig sa pang-araw-araw na gawain.

Author profile

Carlo Juancho FuntanillaFrontend Developer, WordPress, Shopify
Contributing Editor
AMA ACLC San Pablo

We appreciate your thoughts. Please leave a comment.