SAN PABLO CITY — Naglagay ang pamahalaang lungsod ng tatlong stainless steel trash bins sa paligid ng Sampaloc Lake bilang bahagi ng patuloy na kampanya para sa mas maayos na pamamahala ng basura at pagpapanatili ng kalinisan sa isa sa mga pangunahing pasyalan ng lungsod.
Ayon sa tagubilin ni Mayor Najie B. Gapangada, isinagawa ng San Pablo City Solid Waste Management Office (CSWMO) sa pamumuno ni Engr. Ryla Nunag ang paglalagay ng mga basurahan sa Barangay V-A, San Lucas I, at Concepcion na sakop ng paligid ng lawa.
Ang mga bagong basurahan ay may hiwalay na lalagyan para sa nabubulok at di-nabubulok na basura upang hikayatin ang tamang waste segregation ng publiko, lalo na sa mga bisita at residente na dumaraan sa mga mataong bahagi ng lugar.
Ayon sa lokal na pamahalaan, sinadyang inilagay ang mga ito sa mga high-traffic area gaya ng mga kainan at pook-pasyalan upang mas madaling magamit ng publiko at maiwasan ang pagtatapon ng basura kung saan-saan.
Binigyang-diin din na ang paggamit ng stainless steel bilang materyal ng basurahan ay may ilang mahalagang benepisyo. Mas matibay ito laban sa kalawang at korosyon, kaya tumatagal kahit nakalantad sa ulan at init. Mas madali rin itong linisin at mapanatili, kaya nakakatulong sa mas mataas na antas ng kalinisan. Bukod dito, mas maayos ang itsura nito na angkop sa mga pampublikong lugar at tourism sites, at mas sustainable dahil mas matagal ang buhay kumpara sa karaniwang plastik o kahoy na lalagyan.
Paalala ng pamahalaang lungsod, mahalaga ang tamang pagtatapon ng basura upang mapanatili ang kagandahan at kalinisan ng Sampaloc Lake. “Mag-segregate. Makiisa sa pangangalaga ng ating kalikasan,” ang panawagan sa publiko.

Paraluman P. Funtanilla
Paraluman P. Funtanilla is Tutubi News Magazine's Marketing Specialist and is a Contributing Editor. She finished her degree in Communication Arts in De La Salle Lipa. She has worked as a Digital Marketer for start-up businesses and small business spaces for the past two years. She has earned certificates from Coursera on Brand Management: Aligning Business Brand and Behavior and Viral Marketing and How to Craft Contagious Content. She also worked with Asia Express Romania TV Show.





