MAYNILA — Iminungkahi ng isang mambabatas ang paghahain ng kasong sibil laban sa pamunuan ng Ateneo de Manila University, head coach na si Tab Baldwin, at iba pang posibleng managot kaugnay sa pagkamatay ng dalawang student-athlete sa isang team-building activity sa Aurora.
Sa isang pahayag, sinabi ni Senior Citizens Party-list Rep. Rodolfo Ordanes na dapat isaalang-alang ng pamilya nina Rene Clert Baterbonia, 19, at Nigerian student-athlete na si Divine Adili, 21, ang pagsasampa ng civil case upang matukoy ang posibleng kapabayaan at mapanagot ang mga responsable.
Namatay sina Baterbonia at Adili matapos tangayin ng malalakas na alon habang nasa isang team building ng Ateneo Blue Eagles sa isang pribadong beach resort sa Dipaculao, Aurora noong Hunyo 8. Ayon sa ulat, wala umanong suot na life vest ang mga biktima, at kulang din ang safety measures sa lugar kabilang ang kawalan ng watchtower para sa lifeguards at warning signs. Kalaunan ay ipinasara ng lokal na pamahalaan ang resort kasunod ng insidente.
“Dalawang kabataang atleta ang namatay. Hindi ito simpleng aksidente na basta na lamang dapat kalimutan. Karapatan ng pamilya na malaman ang buong katotohanan at habulin ang pananagutan ng sinumang mapapatunayang may pagkukulang,” ayon kay Ordanes.
Sa hiwalay na ulat, magbibigay ng scholarship ang Ateneo de Manila University sa mga kapatid ni Baterbonia
Samantala, inanunsyo ng Ateneo de Davao University na bibigyan nito ng full scholarship hanggang kolehiyo ang anim na kapatid ni Baterbonia.
Sa isang misa para sa namayapang atleta, sinabi ni University President Fr. Karel San Juan, SJ na tutuparin ng unibersidad ang pangarap ni Baterbonia na mapag-aral ang kanyang mga kapatid, na siyang dahilan ng kanyang pagpunta sa Maynila.
Ayon kay San Juan, napag-usapan nila ng pamilya ng biktima ang hakbang ng unibersidad bilang tulong sa naiwan ni Baterbonia.
“Isa sa mga pangarap ni Bobet ay ang mapag-aral ang kanyang anim na kapatid. Ito po ay tutuparin ng Ateneo de Davao University sa pamamagitan ng scholarship,” aniya.
Dagdag pa niya, patuloy ang pagdarasal para sa pamilya ng yumaong atleta, at pagbibigay-diin na ang kanyang pangarap ay patuloy na isusulong sa pamamagitan ng pagtulong sa kanyang mga mahal sa buhay.
Naganap ang insidente noong Hunyo 8 sa Dipaculao, Aurora sa gitna ng team-building activity ng Ateneo Blue Eagles kung saan parehong nalunod sina Baterbonia at Adili.

DC Alviar
Professor DC Alviar is a tenured associate professor at National University (NU) Manila and a steering committee member of the Philippine International Studies Organization (PHISO). He has contributed to NU's community extension initiatives that introduced the five disciplines of a learning organization (Senge, 1990) to communities within a local government unit. He writes and edits local reports for Mega Scene. He graduated with Master of Development Communication (MDC) and Doctor of Communication (DComm) degrees from the University of the Philippines (UP) Open University in Los Baños and was awarded with a Commission on Higher Education (CHED) SIKAP grant. He previously served as editor-in-chief of The Adamson News and his high school publication Ang Ugat.





