MAYNILA — Karamihan ng adult na Pilipino ay bukas sa posibilidad na magtrabaho o manirahan sa ibang bansa kung mabibigyan ng pagkakataon, pangunahing dahilan ang mas mataas na sahod, mas magandang oportunidad sa trabaho, at mas maayos na kalidad ng buhay, ayon sa OCTA Research.
Batay sa Tugon ng Masa (TNM) survey ng OCTA Research na isinagawa mula Marso 9 hanggang 25, 2026 sa pamamagitan ng face-to-face interviews sa 1,200 respondents na edad 18 pataas, 57% ng mga Pilipino ang nagsabing handa silang mangibang-bansa para magtrabaho o manirahan doon kung magkakaroon ng pagkakataon. May margin of error ito na ±3% sa 95% confidence level.
Samantala, 39% ang nagsabing hindi sila bukas sa migrasyon habang 4% ang hindi pa tiyak.
Ayon sa OCTA Research, ipinapakita ng resulta na ang migrasyon ay hindi limitado sa iilang sektor lamang.
“Migration is not a fringe aspiration – it cuts across regions, income groups, and educational levels,” ayon sa ulat ng poll firm.
Batay sa regional breakdown, pinakamataas ang willingness to migrate sa Balance Luzon sa 59%, sinundan ng Mindanao (56%), Visayas (55%), at National Capital Region o NCR (53%).
Pinakamataas naman ang hindi bukas sa pag-alis sa NCR sa 45%, habang pinakamababa sa Visayas sa 34%. Ang Visayas din ang may pinakamataas na undecided respondents sa 11%.
Lumabas sa survey na pangunahing dahilan ng mga Pilipino sa pagnanais na magtrabaho abroad ay may kinalaman sa ekonomiya.
Kabilang dito ang mas magandang job opportunities (67%), mas mataas na sahod (61%), at mas maayos na kalidad ng buhay (58%).
Ilan pang dahilan ay education opportunities (20%), international experience (20%), family reunification (16%), at safety o political stability (14%).
Ayon sa OCTA, nananatiling dominante ang economic factors sa desisyon ng mga Pilipino na mangibang-bansa.
Ayon pa sa pag-aaral, pare-pareho ang antas ng interes sa migrasyon sa iba’t ibang socioeconomic groups, na may 57% sa Classes D at E at 56% sa Class ABC na nagsabing bukas silang magtrabaho abroad.
Gayunman, mas mataas ang pagtukoy sa sahod bilang dahilan sa Class E (74%) kumpara sa Class ABC (46%), habang mas mataas naman sa huli ang interes sa education opportunities (32%) at international experience (26%).
Napansin din ng OCTA Research na bagama’t 14% lamang ang nagsabing dahilan ang safety o political stability, mas mataas ito sa ilang rehiyon gaya ng Region I (34%) at Region III (21%).
Mas madalas din itong binanggit ng Class D (15%) at Class E (16%) kumpara sa Class ABC (7%), na nagpapakita na mas mabigat ang usapin ng seguridad sa mas mababang mga income group.
Ayon sa OCTA, ipinapakita ng kabuuang resulta na ang migrasyon ay nananatiling isang mainstream aspiration sa maraming Pilipino, lalo na sa mga kabataan at mas edukadong sektor.
Gayunman, nilinaw ng poll firm na ang survey ay sumusukat lamang sa openness sa migrasyon at hindi aktwal na plano ng pag-alis, at hindi rin dapat ituring bilang direktang indikasyon ng kawalang-kasiyahan sa bansa.
Giit pa ng OCTA, hamon para sa mga policymakers ang paglikha ng mas maayos na oportunidad sa loob ng bansa upang mabawasan ang pangangailangang mangibang-bansa.
“Filipinos want better jobs, higher pay, and more promising futures – and as long as those are more reliably found abroad than at home, migration will remain a rational choice,” ayon pa sa OCTA Research.
Carlo Juancho FuntanillaFrontend Developer, WordPress, Shopify
Contributing Editor
AMA ACLC San Pablo





