Unang SOCA ni Mayor Gapangada itinampok ang digitalization, economic zone at panawagan sa pagkakaisa

0
78

SAN PABLO CITY, Laguna – Inilatag ni San Pablo City Mayor Najie Gapangada ang direksiyon ng kanyang administrasyon sa kauna-unahang State of the City Address (SOCA) na ginanap sa San Pablo Convention Center, kung saan binigyang-diin niya ang digitalisasyon ng mga serbisyo ng lokal na pamahalaan, pagsusulong ng San Pablo City Economic Zone, at pagpapalawak ng mga programa sa kalusugan, edukasyon, kabuhayan at pangangalaga sa kalikasan.

Isa sa mga pangunahing inihayag ng alkalde ang paglulunsad ng iSanPablo, isang digital platform na pinapagana ng iGAD (Integrated Government Access for Digitalization) na layong gawing mas mabilis, mas episyente at mas accessible ang mga serbisyo ng lokal na pamahalaan sa mga mamamayan.

Ayon kay Gapangada, nakatuon ang iSanPablo sa unti-unting digitalisasyon ng iba’t ibang transaksiyon sa City Hall, kabilang ang online application at pagproseso ng mga permit at lisensya, pagbabayad ng lokal na buwis at iba pang bayarin, pagkuha ng mga sertipiko at dokumento, appointment scheduling para sa iba’t ibang tanggapan, pagsubaybay sa status ng mga aplikasyon, at iba pang serbisyong pampubliko na dati ay nangangailangan ng personal na pagpunta sa mga opisina ng pamahalaang lungsod.

Binigyang-diin ng alkalde na ang paggamit ng digital technology ay makatutulong upang mabawasan ang pila, mapabilis ang pagproseso ng mga dokumento, mapataas ang transparency sa pamahalaan, at maging mas maginhawa ang pagkuha ng serbisyo para sa mga San Pableno.

Isa rin sa sentrong paksa ng kanyang talumpati ang patuloy na pagsusulong ng pagtatatag ng San Pablo City Economic Zone, na inaasahang magbibigay ng mas maraming oportunidad sa trabaho at pamumuhunan sa lungsod.

Aniya, hindi dapat manatiling nanonood lamang ang mga San Pableno habang patuloy na umuunlad ang mga karatig na bayan at lungsod. Iginiit niyang panahon na upang magkaroon ang San Pablo ng sariling sentro ng industriya at negosyo upang hindi na mapilitang lumayo ang maraming manggagawang San Pableno para lamang makahanap ng disenteng hanapbuhay.

Nanawagan din si Gapangada ng pagkakaisa sa lahat ng sektor ng lipunan upang maisulong ang patuloy na pag-unlad ng lungsod.

“Bilang isang komunidad, kinakailangan nating magkaisa upang maisakatuparan ang ating mga plano para sa mas maunlad na San Pablo,” diin ng alkalde.

Iniulat din niya ang mga programang ipinatutupad ng kanyang administrasyon sa pagpapalakas ng serbisyong pangkalusugan, pagpapabuti ng kalidad ng edukasyon, pagpapalawak ng mga programang pangkabuhayan para sa mga mamamayan, at pagpapatuloy ng mga inisyatibang pangkalikasan na naglalayong pangalagaan ang likas na yaman ng lungsod.

Naging panauhing pandangal sa SOCA si Jonvic Remulla, Kalihim ng Department of the Interior and Local Government.

Sa kanyang mensahe, ibinahagi ni Remulla ang karanasan ng Cavite bilang isa sa mga pangunahing sentro ng industriya sa CALABARZON. Aniya, ang patuloy na pagdami ng mga pabrika at manufacturing facilities ang naging susi upang maging isa ang lalawigan sa may pinakamalaking populasyon at pinakamalakas na ekonomiya sa rehiyon.

Bilang paglalarawan sa lawak ng manufacturing sector sa Cavite, sinabi ni Remulla, “Sa Cavite, pagpasok ng tela, lalabas ay damit. Pagpasok ng bakal, lalabas ay alambre. Pagpasok ng baboy, lalabas ay hotdog.”

Ayon sa kalihim, malinaw na ipinakikita nito kung paano nakalilikha ng trabaho at halaga ang lokal na industriya sa pamamagitan ng pagproseso ng mga hilaw na materyales tungo sa mga produktong may mas mataas na halaga. Dahil dito, hinikayat niya ang pamahalaang lungsod at iba pang sektor na ipagpatuloy ang pagsusulong ng San Pablo City Economic Zone upang makahikayat ng mga mamumuhunan at makalikha ng mas maraming trabaho para sa mga San Pableno.

Dinaluhan ang kauna-unahang SOCA ng mga pinuno at kawani ng iba’t ibang tanggapan ng pamahalaan, mga halal na opisyal, kung saan lima lamang sa mga miyembro ng Sangguniang Panlungsod ang dumalo, senior citizens, mga organisasyon ng kabataan, civic organizations, mga magsasaka, at iba pang kinatawan ng iba’t ibang sektor ng lipunan.

Ang State of the City Address ay nagsisilbing taunang ulat ng alkalde hinggil sa kalagayan ng lungsod, mga nagawa ng administrasyon, at mga pangunahing prayoridad para sa mga susunod na taon. Sa kanyang unang SOCA, inilatag ni Mayor Gapangada ang isang pananaw na nakatuon sa makabagong pamamahala, mas episyenteng serbisyo publiko, paglikha ng trabaho, at sama-samang pagkilos tungo sa isang mas maunlad na San Pablo City.

Author profile

Si Venus L Peñaflor ay naging editor-in-chief ng Newsworld, isang lokal na pahayagan ng Laguna. Publisher din siya ng Daystar Gazette at Tutubi News Magazine. Siya ay isa ring pintor at doll face designer ng Ninay Dolls, ang unang Manikang Pilipino. Kasali siya sa DesignCrowd sa rank na #305 sa 640,000 graphic designers sa buong daigdig. Kasama din siya sa unang Local TV Broadcast sa Laguna na Beyond Manila. Aktibong kasapi siya ng San Pablo Jaycees Senate bilang isang JCI Senator.

We appreciate your thoughts. Please leave a comment.