MANILA – Nagpalabas ng cease and desist order (CDO) ang Department of Environment and Natural Resources (DENR) laban sa isang iligal na dumpsite na matatagpuan sa loob ng ancestral domain ng komunidad ng mga Aeta sa Subic, Zambales, kasunod ng mga ulat na nagdulot ito ng matinding pinsala sa kapaligiran at panganib sa kalusugan ng mga residente.
Ayon kay DENR Secretary Juan Miguel Cuna, ipinatigil na ang pagtatapon ng basura sa naturang lugar at, batay sa pinakahuling inspeksiyon ng DENR Regional Office dalawang araw bago ang kanyang pahayag, wala nang isinasagawang dumping operations sa lugar.
“So itong dumpsite na tinutukoy ninyo, mayroon kaming cease and desist order already. In fact, two days ago, huling inspection ng ating regional office, hindi na po tinatapunan ngayon. And I think they have an alternative site already in Floridablanca,” ani Cuna sa panayam sa Kapihan sa Manila Hotel.
Lumutang ang isyu matapos ilahad sa isang dokumentaryo ng GMA Network ang kalagayan ng Aeta community, kung saan makikitang natabunan ng tambak na basura ang dating luntiang bahagi ng kanilang ancestral land. Ayon sa ulat, naapektuhan din ang pinagkukunan ng tubig ng komunidad dahil sa kontaminasyong dulot ng mga tumatagas na likido mula sa basura o leachate.
Sinabi naman ng lokal na pamahalaan na hindi umano nito nalalaman na may naninirahang indigenous peoples o katutubong komunidad malapit sa lugar na ginawang tambakan ng basura.
Ang mga ancestral domain ng mga katutubo ay kinikilala at pinoprotektahan sa ilalim ng Republic Act No. 8371 o Indigenous Peoples’ Rights Act (IPRA) of 1997, na nagbibigay sa mga Indigenous Cultural Communities at Indigenous Peoples ng karapatan sa kanilang lupang ninuno at sa pangangalaga ng kanilang likas na yaman.
Samantala, kinilala ni Cuna na nananatiling malaking hamon para sa maraming lokal na pamahalaan ang maayos na pamamahala ng solid waste sa kabila ng umiiral na Republic Act No. 9003 o Ecological Solid Waste Management Act of 2000, na nagbabawal sa operasyon ng mga open dumpsite at nag-aatas sa mga lokal na pamahalaan na gumamit ng mga sanitary landfill at iba pang wastong pamamaraan sa pagtatapon ng basura.
Ipinaliwanag ng kalihim na maraming fourth, fifth at sixth class municipalities ang nahihirapang magtayo at magpanatili ng sanitary landfill dahil sa kakulangan ng pondo, lupa at iba pang kinakailangang imprastraktura.
“Maraming LGU are experiencing difficulty kung saan po magtatapon. Una, lalo na yung mga fourth, fifth, sixth class municipalities, wala pong lugar para magtayo ng landfill sa kanilang mga jurisdiction or wala silang kakayahan in terms of resources para gastusan ang landfill,” ani Cuna.
Nanawagan din ang DENR sa publiko na maging responsable sa wastong pagtatapon ng basura, iginiit na mahalagang bahagi ng solusyon ang disiplina ng bawat mamamayan.
“Kailangan magsimula rin sa ating mga kababayan mismo. Masakit man aminin, nakikita natin ang dami ng basurang umaabot sa ating mga ilog at karagatan. Nanggagaling ito sa tao,” ani Cuna.
Idinagdag pa niya na anumang uri ng materyal ay hindi magiging suliranin kung maayos itong itinatapon at pinamamahalaan.
Patuloy namang mino-monitor ng DENR ang lugar upang matiyak na hindi na muling magpapatuloy ang operasyon ng iligal na dumpsite habang inaasahang magsasagawa rin ng mga kaukulang hakbang ang mga kinauukulang ahensiya upang mapangalagaan ang kalikasan at ang karapatan ng mga katutubong Aeta sa kanilang ancestral domain.
Si Venus L Peñaflor ay naging editor-in-chief ng Newsworld, isang lokal na pahayagan ng Laguna. Publisher din siya ng Daystar Gazette at Tutubi News Magazine. Siya ay isa ring pintor at doll face designer ng Ninay Dolls, ang unang Manikang Pilipino. Kasali siya sa DesignCrowd sa rank na #305 sa 640,000 graphic designers sa buong daigdig. Kasama din siya sa unang Local TV Broadcast sa Laguna na Beyond Manila. Aktibong kasapi siya ng San Pablo Jaycees Senate bilang isang JCI Senator.






